MANILA, Philippines – Pinakikilos ng isang mambabatas ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa Labor Code upang maiakma sa mga bagong anyo ng paggawa pangunahin na sa mga tinuturing na “gig workers”.
Ayon kay OFW Partylist Rep. Marissa Magsino kailangan ng mas malawak na proteksyon, lalo na sa mga manggagawang nasa “gig economy” gaya ng delivery riders, online freelancers, construction freelancers, at iba pang platform-based workers.
Ani Magsino, marami sa sektor na ito ang walang access sa SSS, PhilHealth, o mga kontrata na may minimum labor standards.
“Hindi na bago sa atin ang gig economy. Marami sa ating kababayan ang umaasa rito para sa kabuhayan pero marami rin sa kanila ang walang mga benepisyo at mga kontratang nagsasaad ng minimum labor standards. Kailangan silang kilalanin bilang lehitimong bahagi ng lakas-paggawa at bigyan ng nararapat na proteksyon,” ani Magsino.
Giit ni Magsino, dapat bumalangkas ang DoLE ng mga bagong polisiya at tiyaking maisama sa mga reporma ang mga emerging labor sectors upang hindi sila maiwan sa mga labor standards.
“Ang gig workers ay hindi dapat ituring na disposable labor. Sila ay bahagi ng ating labor force at may karapatang mabuhay nang may seguridad at dignidad. Hindi pwedeng maiwan ang mga manggagawang nasa informal at non-traditional sectors sa mga benepisyo at karapatan.” dagdag pa nito.
Ayon sa mambabatas, ang paggunita ng Araw ng Manggagawa ay hindi lamang isang pagpupugay, kundi paalalang palakasin ang panawagan para sa makatao at makatarungang mga patakaran na mag-aangat sa kaledad ng empleyo para sa manggagawang Pilipino, sa loob man o labas ng bansa. Gail Mendoza