Home NATIONWIDE Wanted na lalaking Hapon, arestado ng BI sa NAIA

Wanted na lalaking Hapon, arestado ng BI sa NAIA

MANILA, Philippines – HINARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang papaalis na Japanese national na napatunayang may kinakaharap na deportation case dahil sa pagiging undesirable alien.

Sa ulat na isinumite kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, kinilala ni BI-NAIA Terminal 3 Head Supervisor Dennis Javier ang pasahero na si Makoto Shinoda, 64-anyos.

Nabatid sa BI na naharang ang nasabing dayuhan noong Abril 28 nang tangkain nitong sumakay ng flight ng Etihad Airways papuntang Abu Dhabi, United Arab Emirates.

Ayon kay Viado, pinigil ng immigration officer ai Shinoda matapos magpositi o ang pangalan nito sa derogatory record system ng BI kung saan nasa watchlist ng bureau ang dayuhan at pinaghahanap para sa deportasyon.

“He was immediately referred for secondary inspection, where our supervisors confirmed that he was indeed the same individual listed in the watchlist order,” ayon sa BI.

Matapos nito ay itinurn-over si Shinoda sa Border Control and Intelligence Unit (BCIU) ng BI at inilipat sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. Mananatili siya roon habang hinihintay ang resulta ng mga paglilitis sa deportasyon.

Napag-alaman na ang kaso ni Shinoda ay nagmula sa reklamong inihain ng dalawa sa mga kapwa nito Japanese national na nag-akusa sa kanya ng panloloko sa kanila ng higit sa isang milyong US dollars sa isang huwad na real estate venture.

Sinabi ng mga nagrereklamo na naengganyo sila sa pamumuhunan ng US$1.023 milyon sa isang construction project sa kahabaan ng Molino Blvd. sa Bacoor City, Cavite, na wala umanong balak na tapusin si Shinoda. JAY Reyes