MANILA, Philippines – Naglunsad ang Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Mayo 2, ng isang komite na binubuo ng iba’t ibang ahensya para labanan ang pagkalat ng fake news.
“We created ‘yung Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC). We want to stop lahat ang nagpapa-spread ng fake news,” pahayag ni PNP chief Police General Rommel Marbil.
“Let us choose truth over virality. Accuracy over exaggeration. Integrity over convenience. This is the war we must fight and win…Sa lahat ng ‘marites,’ ito ang babala: Nabibilang na ang araw niyo,” dagdag pa niya.
Ani Marbil, layon ng JAFNAC na panagutin ang mga nagkakalat ng fake news at gumawa ng isang framework na mabilis na makakapag-alis ng mga maling impormasyon online.
Matapos ang forum kasama ang mga ahensya ng pamahalaan, sinabi ng PNP na ang laban sa fake news ay isang whole government approach na naka-angkla sa legal offensive, technological innovation, at public education.
Ayon pa sa PNP, kailangang lumikha ng mga batas o mag-amyenda nito para labanan ang fake news.
Dapat din anilang itatag ang isang national monitoring system o Al-powered dashboard para tukuyin o i-track ang disinformation trends nang real time.
Plano rin ng ahensya na makipagtulungan sa Meta, Google, X, at TikTok upang sitahin ang mga mapaminsalang content at ipatupad ang mga platform policy sa lokal na lebel. RNT/JGC