Home NATIONWIDE Mga nabiting panukalang batas tatrabahuin ni Sen. Revilla

Mga nabiting panukalang batas tatrabahuin ni Sen. Revilla

MANILA, Philippines – DINUMOG ng mga tagahanga si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. makaraang libutin nito, kasama si Manila 5th District Congressman Irwin Tieng, ang Paco Market at San Andrea Market upang magpasalamat at mamahagi ng mga souvenir na t-shirts at apron sa vendors na tumangkilik sa kanilang television series na “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” nitong Huwebes ng umaga.

Matapos ang nasabing paglilibot ay nagtungo na sina Sen. Revilla at Cong. Tieng sa Dakota Covered Court kung saan nakatakda namang ipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa may 3,000 benepiyaryo ang P2,000 pinansiyal na tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Una dito ay pinasalamatan ni Revilla si Tieng gayundin ang mga Manilenyong benepisyaryo dahil na rin sa pagtangkilik ng mga ito sa kanilang serye na kanyang pinagbibidahan kasama ang kanuang leading lady na si Beauty Gonzales.

Ibinida din ni Revilla na hindi lamang papogi ang kanyang ginawa sa Senado kundi mga batas na ang karamihan ay para sa mga senior citizen, mga magulang at mga kabataan.

Samantala, sa panayam kay Revilla, aminado ito na marami siyang nakabiting panukalang batas na hindi naipasa sa Senado bago magsara ang sesyon nitong Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Revilla, nagkapatong-patong ang kanyang mga inihaing panukalang batas kung saan kabilang na dito ang local infra bills na makakatulong sa pag-unlad ng buhay ng mga nasa kabukiran, ang gawing 56 ang edad ng mga senior citizen sa halip na 60, at marami pang iba.

Aniya, sakaling palarin itong mailuklok muli sa Senado, madali na aniya niyang maihahaing muli ang kanyang mga panukala upang maging isang ganap ng batas.

Sabi pa ng Senador, handa na rin siyang sumabak sa nalalapit na kampanyahan para sa muling pagtakbo bilang Senador at kabilang na rito ang paghahain niya sa tao ng kanyang mga naipasang batas at mga nagawa, pati na ang mga gagawin pa niya sakaling magwaging muli sa halalan. JR Reyes