Home NATIONWIDE Mga nagtapos sa PMMA, hinikayat ni PBBM na mapanatili mataas na reputasyon...

Mga nagtapos sa PMMA, hinikayat ni PBBM na mapanatili mataas na reputasyon ng mga marinong Pilipino

1
0

MANILA, Philippines – Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Biyernes ang 327 na nagtapos ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) at hinikayat ang mga ito na panatilihin ang mataas na pandaigdigang reputasyon ng mga marinong Pilipino habang sinisimulan nila ang kanilang karera sa industriya ng paglalayag.

“Sama-sama ninyong pinatunayan na kayo ang ilaw na gumagabay sa mga barko pauwi at ang haliging maaasahan ng inyong kapwa Pilipino,” ani Pangulong Marcos sa ginanap na Commencement Exercises ng PMMA SALIGHIRANG Class of 2026.

Ipinaalala ng Pangulo sa mga nagtapos na magsisimula na sila ng “a new voyage” at magsisilbi sa iba’t ibang organisasyon at magkakaibang misyon.

“Saan man kayo dalhin ng inyong paglalakbay, pananatilihin ninyo ang ipinagmamalaking reputasyon ng mga Pilipinong mandaragat,” dagdag ng Pangulo.

Idinaos ang seremonya ng pagtatapos sa PMMA Grandstand sa loob ng PMMA Complex sa Barangay Natividad, San Narciso, Zambales.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang 21 na nagtapos sa PMMA Graduate School at pinuri ang kanilang patuloy na hangarin sa pagkatuto.

“Pinatutunayan ninyo na hindi tumitigil ang mundo sa pagtuturo sa atin ng mahahalagang aral kahit marami na tayong naging paglalayag sa dagat. Binabati ko kayong lahat,” ang sinabi ng Pangulo.

Sa kanyang talumpati, na may temang “Sagisag ng Liwanag, Haligi ng Huwaran,” binalikan ni Pangulong Marcos ang mahigit dalawang siglong kasaysayan ng akademya, mula sa pagiging isang maliit na paaralang pang-nabigasyon sa Intramuros hanggang sa pagiging Philippine Merchant Marine Academy ngayon.

“Like a lighthouse in the middle of a storm, the PMMA has stood for generations, guiding young Filipinos towards the sea and back home,” ani ng Pangulo, at idinagdag na matagal nang dala ng mga nagtapos dito ang ilaw na nagpapatunay sa kanilang “sense of duty to our motherland.”

Sinabi rin ng Pangulo na ang pangalang SALIGHIRANG ay sumasalamin sa mga pagpapahalagang inaasahan sa bawat nagtapos ng PMMA.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang salitang “Salig,” na nangangahulugang tiwala sa wikang Cebuano, ay kumakatawan sa Sagisag ng Liwanag—isang gabay na tila parola na umaakay sa mga barko tungo sa ligtas na daungan.

Samantala, ang “Hirang,” na nangangahulugang pinili o itinadhana, ay sumisimbolo sa Haliging Huwaran o pagiging mabuting halimbawa para sa mga susunod na henerasyon ng mga kadete.

Ipinaalala rin ng Pangulo sa mga nagtapos na malapit na silang mapabilang sa hanay ng mga marinong Pilipino na kinikilala sa buong mundo dahil sa kanilang kahusayan at propesyonalismo.

“Iginagalang sila dahil palagi nilang ipinapakita ang husay, propesyonalismo, at dedikasyon. Higit sa lahat, nakuha nila ang tiwala ng pandaigdigang komunidad,” ani Pangulong Marcos.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na ang magandang reputasyong ito ay hindi permanente at dapat patuloy na mapanatili at mapatunayan ng bawat bagong henerasyon ng mga Pilipinong mandaragat. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here