Home OPINION MGA NASAWI AT RIDERS SA MOTORCYCLE ENDURANCE CHALLENGE, PAREHONG BIKTIMA  

MGA NASAWI AT RIDERS SA MOTORCYCLE ENDURANCE CHALLENGE, PAREHONG BIKTIMA  

ATING tinalakay sa nakaraang kolum ang perwisyong idinulot sa ilan nating mga kababayan ng katatapos na BOSS Ironman Motorcycle Endurance Challenge o BIMC sa Luzon.

Naging masalimuot nga ang isyung ito dahil sa pagkasawi ng dalawang katao na nakabanggaan ng mga kalahok na rider sa magkahiwalay na insidente. Sila ay mga inosenteng sibilyan na nagbuwis ng buhay kapalit ng motorcycle challenge na isinagawa sa public road. Isa itong napakalaking bangungot para sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.

Posible namang maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang mga nasangkot na rider. Makalusot man sila sa paghimas ng rehas na bakal sa pamamagitan ng pag-areglo sa pamilya ng mga nasawi, pihadong mag-iiwan ang pangyayaring  ito ng malaking dagok at trauma sa kanilang buhay. Kung tutuusin, parehong biktima ng pagkakataon ang mga namatay at nasangkot sa banggaan.

Over-speeding ang kadalasang nakikitang dahilan sa mga investigation report ng motorcycle crashes.  Kung maselan at mapanuri ang imbestigador, maaaring lumabas ang iba pa tulad ng driving under the influence of alcohol and illegal drugs; pagkahilo dahil sa agarang pag-inom ng resetadong medisina; pinipindot na monitoring at communication device na maaaring maka-distract sa pagmamaneho; pansamantalang paglabo ng mga mata dahil sa pawis; biglaang pagkasira ng system o anomang component ng motorsiklo dahil sa poor inspection at lakas ng vibration; poor vision dahil sa maling gamit ng helmet visor; maysakit na rider; adverse weather condition; rough roads at iba pa.

Nakasisiguro tayong lahat ng kalahok ay dumanas ng over-fatigue at stress. Matindi kasi ang requirement ng BIMC, kailangan mong tapusin ang 1,200 KM na ruta sa loob lamang ng 24 hours kaya nga ito tinawag na endurance challenge. At para makamit ang pagiging finisher, eh sumusuway ang ibang kalahok sa traffic rules and regulations na itinakda ng mga organizer.

Mahirap kontrolin ang kaisipan ng isang rider kapag nakararamdam ito ng pagkadesperado. Sa mga nagmamanehong readers, malamang nakaranas na rin kayo ng ganito. ‘Yung tipong halos pigain ang silinyador/throttle at busina ng inyong sasakyan para hindi ma-late sa trabaho.

Ngayon, kung parehong biktima ang mga inosenteng namatay at mga kalahok sa endurance challenge, sino ang may sala?

Previous articleLACSON-NOEL ASSURES ELDERS OF P1K MONTHLY PENSION
Next articleMAGHANDA NANG TODO LABAN SA EL NIÑO