HANGGANG buwan ng Mayo ang El Niño, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.
Nagsasama na sa katunayan ang tag-init at El Niño upang sirain ang napakaraming bagay.
Buhay ng tao at hayop, buhay ng mga halaman at isda at iba pa.
Ayon sa PAGASA, 67 probinsya ang tatamaan ng El Niño sa katapusan ng Marso at darami sa mga susunod na buwan.
Sa katunayan, tatamaan ang lahat ng 82 lalawigan ng mahal kong Pinas bagama’t may matitirang hindi gaanong mapipinsala.
Kabilang sa mga matatamaan nang husto ang mga lalawigan ng Abra, Apayao, Aurora, Bataan, Benguet, Cagayan, Cavite, Ifugao, llocos Norte, llocos Sur, Isabela, Kalinga, La Union, Laguna, Metro Manila, Mountain Province, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Pangasinan, Quirino, Rizal and Zambales, kasama ang Antique, Guimaras, Iloilo, Leyte and Negros Occidental.
Itong mga lalawigan ng Batanes at Saranggani lang ang maaaring hindi mapipinsala.
BUHAY NG TAO PINAKAMAHALAGA
Kamakalawa, umabot sa 42 degrees Celsius ang init ng panahon sa Cotabato City sa Maguindanao and Roxas City sa Capiz.
Dahil sa init ng panahon na malamang na hihigit pa sa nasabing init sa mga darating na araw, nanganganib ang buhay ng tao.
Sinasabi ni Department of Health Secretary Ted Herbosa na handang-handa na ang mga ospital ng bansa para sa mga magiging biktima ng heat stroke at napakagandang balita ‘yan.
Good news ‘yan para sa mga magiging biktima ng init ng panahon na nakamamatay.
Karaniwang ang mga mahihina ang katawan, may mga dala nang sakit at nakababad sa mga bukas na lugar habang namamasukan gaya ng mga nasa konstruksyon at pagbubukid ang mga biktima.
Ngunit sa mga lungsod na mainit din ang paligid dahil sa polusyon sa mga lansangan, maaaring matamaan din ang mga biker, motor rider at may mga walang aircon na sasakyan.
Kapag nadisgrasya ang mga may hawak ng manibela dahil sa heat stroke, may mga nadadamay.
Kaya dapat ang hanay ng mga ito ang isaalang-alang.
Imadyinin nating ang tsuper ng trailer truck na todo-kargado ang ma-heat stroke at tumatakbo ang kanyang sasakyan, ilan ang madadamay na motorista at naglalakad sa lansangan?
Ang mga ospital, dapat ngang nakahanda lahat.
GUTOM AT PAGHIHIRAP
Hindi na nating isa-isahin ang mga lugar na nagdeklara ng state of calamity.
Karaniwang mga magsasaka ang biktima ngunit meron ding mga nag-aalaga ng mga hayop gaya ng mga manok at isda.
Kapag nagkabitak-bitak ang mga lupa at natuyo at namatay ang mga panananim gaya ng mga palay at mais, tiyak na gutom at hirap ang dadapo sa mga magsasaka.
Gayundin ang mangyayari sa mga nagmamanukan, nagbababuyan at nagpi-fishpond.
Bagsak ang agrikultura sa kabuuan.
Kaya naman, kasama ang mga negosyong pang-agrikultura ang manghihina.
Sana naman maigpawan natin ang masasamang bunga ng El Niño at makatutulong nang husto ang pagtutulungan sa pagitan ng mga mamamayan at pamahalaan para sa kaligtasan sa mapanirang El Niño.