Home OPINION MGA BATIKOS, PANINIRA HINDI PINAPATULAN NI PBBM

MGA BATIKOS, PANINIRA HINDI PINAPATULAN NI PBBM

HINDI na ikinabigla ng marami ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi niya papalitan bilang Education Secretary si Vice President Sara Duterte kahit pa nga “bad shot” kay Unang Ginang Liza Araneta Marcos.

Kasi nga, batid naman ni Pangulong Marcos na maayos ang naging pamamahala ni VP Sara sa kagawaran, patunay ang nakamit ng top performing agency na pinakamataas na trust rating, at alam din ng Pangulong Bongbong ang nararamdamang hinanakit ng kanyang maybahay na noon pa man ay sobrang ‘protective’ sa kanya at nagagalit kapag may hindi magandang sinabi laban sa kanya.

Sabi nga ni Pangulong BBM, nakapasuwerte niya sa pagkakaroon ng maybahay na tulad ng Unang Ginang na kahit ibalandra sa publiko ang kanyang hinanakit ay hindi nagdadalawang isip. Kasi nga raw, hindi naman sanay sa politika si Gng. Marcos at kahit kailan ay hindi nagkaroon ng ambisyon na tumakbo sa anomang posisyon sa pamahalaan.

Nito nga lang dumating ang Pangulo mula sa matagumpay na pakikipagpulong  sa lider ng pinakamakapangyarihang bansa na si Joe Biden ng Estados Unidos at kay Prime Minister Fumio Kashida ng bansang Japan, tumirada na naman mga walang basehang akusasyon ang kanyang mga detractors, sa halip na papuri sa tagumpay ng Pangulo.

Ipinakakalat nga ng mga bumabatikos sa Pangulo na panay ang banggit sa sikretong kasunduan sa pagitan ni President Xi Jinping ng China at dating Pangulong Digong Duterte pero ayaw namang sagutin ang mga maanghang na akusasyon ng ilang may matatabil na dila.

Hindi trabaho ng Pangulo ang sumagot sa mga walang basehang akusasyon at paninira na isang pagpapakita ng tunay na respetadong lider ng bansa.

Pero kung ang ibabato sa Pangulo ay ang pagkokomento niya sa isyu ng sikretong kasunduan sa West Philippine Sea, hindi pwedeng itikom na lang niya ang bibig at magkibit-balikat dahil nakasalalay na rito ang kasarinlan ng bansa at interes ng mamamayang Pilipino.

Pero patuloy na nagpapakalat ng fake news laban sa Pangulo dahil may hangganan din ang pagtitimpi ng sinomang normal na tao kahit pa pinakamataas na lider ng bansa.

Baka kasi dumating ang panahon na maapektuhan na ng paninira at pagpapakalat ng fake news ang taumbayan o maging ng soberenya ng bansa, aba’y tiyak na may paglalagyan na talaga sila kapag napuno na si PBBM. Ika nga, kailangan ng kalusin kapag puno na ang salop.