Home NATIONWIDE ‘Soft’ treatment kay Maricel Soriano sa Senate probe, idinipensa ni Bato

‘Soft’ treatment kay Maricel Soriano sa Senate probe, idinipensa ni Bato

MANILA, Philippines – Idinipensa ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Miyerkules, Mayo 8 ang umano’y “soft” treatment nito kay Maricel Soriano sa imbestigasyon ng Senado sa kaugnayan nito sa illegal drug activities.

Aminado si Dela Rosa na naging magaan ang pagtugon niya sa aktres dahil napansin niyang kinakabahan ito at natatakot nang pumasok sa hearing room.

Bilang chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, pinangungunahan nito ang imbestigasyon sa umano’y leaked documents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nag-uugnay kay Soriano a Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa illegal na droga.

“Alam mo, kahapon hirap nga akong i-deal siya dahil pagpasok pa lang niya sa hearing e nanginginig at naninigas na… pati mata niya ay nanginginig kaya worried ako. Sinabihan ko nga, relax ka lang, Ma’am,” sinabi ni dela Rosa sa panayam ng Radyo 630.

“Kung bobombahin ko pa ng husto ng tanong dun, kung mag collapse dun e… sabihin nIyo heartless na committee ito…” dagdag nito.

Inimbitahan din ni Dela Rosa ang aktres sa pagdinig dahil sa kaugnayan nito sa condominium unit sa Makati City na subject sa casing operations ng PDEA agents noong Marso 2012.

Inamin ni Soriano na na pag-aari niya ang condominium unit ngunit ibinenta niya ito noong 2012.

Ayon kay Dela Rosa, “satisfied” na siya sa testimonya ni Soriano.

“Kasi kung hindi sa kanya ‘yun so may question tayo talaga dun sa authenticity ng papel na ‘yun, totoo ba ‘yun? E ‘yun na-established natin na ‘yun talagang kay Maricel Soriano ‘yung unit na ‘yun,” anang senador.

“Sigurado man ako, magde-deny man ‘yan ‘pag tinanong mo kung harap-harapan mong tanungin na gumagamit ba talaga kayo ng cocaine kasama si Pangulong Marcos. Sigurado man ako ide-deny niya ‘yan. What for po pa? What point I am going to prove ‘pag tinanong ko ‘yun?” dagdag ni Dela Rosa.

Sa hiwalay na panayam, ipinaliwanag ni Dela Rosa kung bakit kailangan niyang banggitin muli ang reklamong inihain noong 2011 ng dalawang dating kasambahay laban kay Soriano.

Aniya, ang isyu ay “material” sa Senate probe.

“Wala po tayong purpose na i-humiliate ‘yung tao. We are here to get to the bottom of it para makuha natin yugn katotohanan,” giit ni Dela Rosa. RNT/JGC