MANILA, Philippines – Pinayuhan ni dating Department of Health (DOH) secretary at ngayon ay Iloilo 1st district Rep. Janette Garin ang mga kababaihang Pilipino na huwag gumamit ng anumang underwear habang sila ay nasa bahay ngayong tag-araw.
Ang nasabing tip ni Garin ay isa umanong paraan para maiwasan ng mga kababaihan ang pagkakaroon ng pangangati sa kanilang intimate area sa gitna ng init na nagpapawis.
“Lalo na sa tag-init–wala lang malisya no–pero kung nasa bahay ka lang naman or matutulog, it’s quite advisable na walang underwear pero nakapajama ka naman or naka-shorts,” ani Garin sa isang press conference nitong Abril 1.
“Yung ventilation na yan ay masama para mapigilan or hindi na lumala yung fungal infection,” aniya pa.
Sinabi ni Garin na ang mga kababaihan ay madaling magkaroon ng fungal infection sa panahon ng tag-araw.
“So hindi yan sexually-transmitted disease.Yan ay dala na yung normal flora sa intimate area, sa pubic area, sa perineal area ng babae.”
“Kapag medyo basa, napapawisan, at medyo mainit yung panahon, eh yan ay perfect petri dish para dumami yung ating fungi…Kaya siya nagiging makati,” paliwanag pa ng House deputy majority leader.
“So the more you scratch, the more you will itch. Wag siyang kamutin. At hindi siya nakakahawa ano. Yung iba akala nila sexually-transmitted. No, it’s not,”
“Ang importante doon ay may gamot naman yan (The important thing is, there’s medication for it), but you have to keep that area dry,” dagdag pa niya.
Ang perineal ay nagmula sa salitang perineum, na tumutukoy sa maliit na patch ng sensitibong balat sa pagitan ng mga ari ng isang tao. RNT