MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes na walang “temporary special arrangement” ang Pilipinas sa China sa Bajo De Masinloc, na kilala rin bilang Scarborough Shoal.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, huwag nang maimpluwensyahan muli ng mga gawa-gawang kwento ng China na naglalayong lituhin ang mamamayang Pilipino at ilihis ang pampublikong diskurso mula sa tunay na isyu ng kanilang panggigipit at mapanuksong aksyon sa Bajo De Masinloc
Binigyang-diin din ni Tarriela na hindi kinikilala ng Pilipinas ang 12-nautical -mile “red line” sa Scarborough Shoal na inaangkin ng China batay sa umano’y “temporary special arrangement” noong 2016.
“I only emphasized that those lines are not recognized by the Philippine government, and it does not actually exist. We have successfully proven that it is merely a product of their imagination,” giit ni Tarriela.
Ayon kay Tarriela, ipapakita nila sa mundo na ang mga linyang ito na iginuhit ng mga bansang bully tulad ng China ay walang batayan at nagsisilbi lamang upang takutin ang Pilipinas gamit ang kanilang mas malalaking coast guard vessels at maritime militia.
Sa pahayag noong Huwebes, iginiit ng Chinese Embassy sa Manila na noong 2016, ang China ay nagtakda ng temporary special arrangement sa Scarborough Shoal sa Philippine fishers at iba pang ahensya.
“While the AFP, PCG, and other Philippine government vessels and aircraft should refrain from entering the 12 nautical miles and corresponding air space of Huangyan Dao,” sabi ng embahada.
Sinasabi rin ng China na mayroon din silang arrangement para sa Second Thomas Shoal o Ayungin Shoal gayundin ang “Gentlemen’s Agreement, Internal Understanding and New Model” sa Pilipinas.
Itinanggi ng mga opisyal ng Pilipinas ang mga umano’y kasunduan. Jocelyn Tabangcura-Domenden