Home NATIONWIDE Solon: El Niño nakasasakit na sa ekonomiya; nat’l state of calamity ideklara

Solon: El Niño nakasasakit na sa ekonomiya; nat’l state of calamity ideklara

MANILA, Philippines- Dapat magdeklara ang pamahalaan ng Pilipinas ng national state of calamity upang ibsan ang epekto ng El Niño phenomenon sa ekonomiya.

Iminungkahi ito ni Senator Francis Tolentino kasunod ng Social Weather Stations poll kung saan lumabas na 14.2 porsyento ng pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger sa unang quarter ng kasalukuyang taon.

“‘Yung declaration of a state of calamity should not be localized… This should be really national in scope to trigger the application of [Republic Act 7581] or the Price Act, which would result in the freezing of prices of basic commodities, especially during this El Niño season,” giit ni Tolentino sa isang virtual interview.

Sa gitna ng matinding init sa buong bansa, inirekomenda rin ni Tolentino ang cloud-seeding, na aniya ay mainam gawin kasabay ng umiiral naBalikatan exercises.

Dapat din umanong maging aktibo ng Department of Trade and Industry at ng Department of Agriculture sa pagtugon sa epekto ng El Niño, at binanggit na dapat ipatupad ng gobyerno ang ilang interbensyon.

“‘Di naman natin pwedeng kontrolin ang El Niño… Siguro proactive ang ating Department of Agriculture at DTI. Baka mabawas-bawasan itong effects ng El Niño. Ilang linggo pa ito sana wag na lumagpas ng May,” wika ng senador.

Hanggang nitong May 2, makikita sa datos ng gobyerno na nagdulot ang El Niño phenomenon ng P5.9 bilyong pinsala sa agrikultura.

Pinakaapektado ang palay sa P3.1 bilyong pinsala, sinundan ng mais sa P1.76 bilyon, at high-value crops sa P958 milyon.

Kabilang naman sa tatlong pinakaapektadong rehiyon ang Mimaropa, Cordillera Administrative Region, at Western Visayas. RNT/SA