MANILA, Philippines- Personal na bumisita si Senator Christopher “Bong” Go sa mga nasunugan sa Barangay 458 sa Sampaloc, Maynila upang magbigay ng agarang suporta at tulong nang sa gayo’y makarekober sa mapanirang sunog ang nasa 327 pamilyang apektado.
Nauna rito, pinuntahan at inalam din ni Go ang sitwasyon ng 67 pang pamilyang naapektuhan din hiwalay na insidente ng sunog sa Brgy. 459.
Ipinapakita nito na patuloy sa kanyang pangako si Go sa pagbibigay ng agarang pagtulong sa mga nangangailangan.
“Ang gamit ay nabibili, ang pera ay kikitain, pero ang buhay ay hindi mabibili. Ang nawalang buhay ay isang nawawalang buhay magpakailanman. Pinakamahalaga ang buhay kaya dapat nating pangalagaan ito. Tulong-tulong tayo para makabangon ang bawat pamilya,” sabi ni Senator Go sa kanyang pagbisita.
Pinangasiwaan ni Senator Go ang pamimigay ng food packs, water containers, vitamins, masks, shirts, mattresses, basketballs, at volleyballs sa mga apektadong pamilya.
Bukod dito, ang pambansang pamahalaan, sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod, kay 458 Barangay Captain Roberto Flores at 459 Barangay Captain Rom Acio, ay nagbigay ng iba pang uri ng tulong.
Sinamantala ng senador ang pagkakataon na ipakilala ang mga benepisyo ng Republic Act No. 11589, o ang Bureau of Fire Protection Modernization Act of 2021, na pangunahin niyang iniakda at co-sponsor.
Tinitiyak ng batas na ito ang pagpapahusay sa kakayahan sa paglaban sa sunog sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bagong gamit, pagkuha ng mas maraming tauhan, at pag-aalok ng espesyal na pagsasanay upang mapabuti ang pagtugon sa kalamidad.
Bilang tagapangulo naman ng Senate committee on health and demography at health reforms crusader, ipinaalala ni Go sa mga nasunugan na humingi ng tulong sa Malasakit Centers na matatagpuan sa Tondo Medical Hospital, Philippine General Hospital, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital, Jose R. Reyes Memorial Medical Hospital, at San Lazaro Hospital.
Ang inisyatiba ng Malasakit Center, na itinatag sa ilalim ng RA 11463 at pangunahing inakda at itinataguyod ni Go, ay tumutulong upang madaling maabot ng mga Pilipino ang tulong-medikal ng gobyerno. Sa kasalukuyan, mayroong 166 na operational Malasakit Centers sa buong bansa na nakatulong na sa mahigit 15 milyong Pilipino.
Tiniyak din ng senador sa mga nasunugan na patuloy niyang isusulong ang mga hakbang na mag-aangat sa buhay ng mga Pilipino, lalo na ang mga naapektuhan ng kalamidad. RNT