MANILA, Philippines- Dalawang indibidwal ang naiulat na nasawi habang walo ang sugatan kabilang ang SK chairman, SK councilor at SK treasurer makaraang aksidenteng magbanggaan ang van at motorsiklo kaninang madaling araw sa Del Pilar St., Barangay Poblacion, Alaminos, Laguna.
Kinilala ng pulisya ang dalawang driver na nasawi na kapwa dead on arrival sa San Pablo City District Hospital at San Pablo City General Hospital na sina Edward Laolio Ruelo, 27, computer operator II, naninirahan sa Purok 5, Saimsim, Calamba City, Laguna at Antonio Collantes, nasa hustong gulang, nakatira sa Gubat Tigaon, Camarines Sur .
Samantala, ang mga sugatan ay sina SK councilors Ailyn B. Borbe 20, Rommel C. Carullo, 21, Aira Mae C. Cena, 20, na pawang naninirahan sa Barangay Buhian, Tabaco City, Albay at Joven C. Borbe, 21, ng Barangay Mariroc, Tabaco City, Albay, gayundin ang SK chairpersons na sina John Philip Borais, 25, ng Barangay San Vicente Tabaco City Albay, Dariel John Bos Almonte, 25, ng Barangay Mariroc, Tabaco City, Albay at SK treasurers na sina Aristedes B. Sajuela, 31, at Joseph Beren, 24, kapwa nakatira sa Barangay Mariroc, Tabaco City, Albay.
Base sa inisyal na report ni PCol Ricardo Dalmacia, Provincial Director ng Laguna, naganap ang aksidente dakong alas- 12:20 ng madaling araw kanina habang kapwa tinatahak ng Yamaha Mio Motorcycle na may plakang UHV-820 na minamaneho ng nasawing si Ruelo ang patungong Sto Tomas, Batangas at Nissan Urvan na may plakang NKD-693 na minamaneho ng nasawi na si Collantes na patungong San Pablo City.
Napag-alaman sa imbestigasyon ng Alaminos Police Station sa pinangyarihan ng aksidente pagdating sa pakurbang kalsada ay nag-overtake umano ang Nissan Urvan sa motorsiklong Yamaha Mio na humantong sa aksidente nitong pagbangga sa nasabing motorsiklo kung saan bumangga sa sementadong barrier na ikinasawi ng mga driver at ikinasugat naman ng mga pasahero. Ellen Apostol