MANILA, Philippines – Nagtaas ng alerto ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa lahat ng airport operations sa bansa dahil sa paparating na Severe Tropical Storm Fung-wong, na tatawaging Uwan sa pagpasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong weekend.
Iniutos ni CAAP Director General Raul L. Del Rosario sa mga airport manager sa mga apektadong lugar na i-aktiba ang emergency plans para sa kaligtasan ng pasahero, eroplano, at pasilidad.
Patuloy ang koordinasyon sa mga airline, lokal na pamahalaan, at disaster response teams.
Dahil sa masamang panahon, kinansela ng Cebu Pacific ang Bicol flights 5J321 at 5J322, at pinapayuhan ang pasahero na mag-rebook o kumuha ng refund nang walang bayad.
Pinayuhan ang mga biyahero na sundan ang advisories at maagang dumating sa paliparan dahil maaaring magbago ang iskedyul. Ang lahat ng yunit ng CAAP ay naka-standby para sa update mula sa PAGASA. RNT