Home NATIONWIDE Mga pantalan sa Pinas hihigpitan ng BOC vs oil imports

Mga pantalan sa Pinas hihigpitan ng BOC vs oil imports

159
0

MANILA, Philippines – INATASAN ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) ang lahat ng pantalan sa buong bansa na mahigpit na bantayan ang pagpasok ng inaangkat na langis at suplay ng fuel sa gitna ng pangamba sa posibleng kakulangan ng suplay sa pandaigdigang merkado.

Ayon sa BOC, ang direktiba ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng United States, Israel, at Iran na maaaring makaapekto sa pandaigdigang suplay ng langis.

Nauna nang iniulat na nagkaroon ng mga missile attack na nakaapekto sa mahahalagang imprastraktura tulad ng airports at seaports, habang pansamantalang isinara rin ang Strait of Hormuz na isa sa pangunahing dinaraanan ng suplay ng langis sa mundo.

Dahil dito, iniutos ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa lahat ng district ports na mahigpit na bantayan ang dami ng inaangkat na langis at tiyakin kung sapat ang fuel supply na pumapasok sa bansa.

Ayon kay Nepomuceno, mahalagang masubaybayan nang mabuti ang paggalaw ng oil importations upang magkaroon ng napapanahon at tamang impormasyon ang pamahalaan sakaling magkaroon ng problema sa suplay.

Sa ilalim ng direktiba, kinakailangang magsumite ng regular na ulat ang bawat district port hinggil sa dami ng inaangkat na langis sa kanilang nasasakupan na tatalakayin naman sa lingguhang collection meetings ng ahensya.

Bilang bahagi ng hakbang, bubuo rin ang BOC ng BOC Oil Inventory Level (BOC-OIL) Task Force na mangunguna sa masusing pagbabantay sa suplay ng langis sa bansa.

Pangungunahan ito ni Allen Dela Cruz kasama si Victor Pablo C. Trinidad, sa pakikipagtulungan ng Department of Energy at Bureau of Internal Revenue.

Inatasan din ang task force na magsagawa ng inspeksyon sa mga oil depot, bulk storage terminal, at iba pang imbakan ng petroleum sa buong bansa upang matiyak ang tamang datos ng suplay ng langis.

Maaari ring hingin ng task force ang kinakailangang impormasyon mula sa mga kumpanya sa industriya ng langis at maglabas ng summons kung kinakailangan upang matiyak ang pagsunod sa utos ng pamahalaan.

Iginiit ng BOC na ang hakbang na ito ay bahagi ng proactive monitoring ng pamahalaan upang mapanatili ang katatagan ng ekonomiya at matiyak ang transparency sa suplay at pag-aangkat ng langis sa bansa. Jay Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here