MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Korean national kung saan nadiskubre rin nila ang isa na namang umano’y scam hub sa Angeles City, Pampanga matapos ang isinagawang operasyon ng mga awtoridad.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, sinabi na nagsagawa ng raid ang Intelligence Division–Special Response Team (ID-SRT) noong hapon ng Pebrero 25 na nagresulta sa pagkakaaresto sa 33-anyos na Korean na si Yu Jaemin.
Ayon sa BI, nag-ugat ang operasyon sa nakuhang intelligence information na sangkot umano ang dayuhan sa pagpapatakbo ng isang scam hub na target ang kapwa Korean nationals at posibleng iba pang banyagang biktima.
Sa isinagawang surveillance, namataan ng mga operatiba ang suspek na lumabas ng kanyang tirahan at nagtungo sa isang opisina sa Poinsettia Street, Angeles City.
Pagpasok ng mga awtoridad sa lugar, nadatnan nila ang 11 pang Korean nationals na nakatalaga sa kani-kanilang workstations at abala sa paggamit ng mga computer at iba pang kagamitan na pinaniniwalaang ginagamit sa operasyon ng panloloko online.
Dahil dito, agad na beripikado ng BI ang kanilang mga pagkakakilanlan at immigration status habang sila ay nasa gitna ng kanilang trabaho sa oras ng operasyon.
Lumabas sa imbestigasyon na tatlo sa mga dayuhan ay mga fugitive from justice na may derogatory records, habang ang ilan pa ay overstaying o lumabag sa Philippine Immigration Act of 1940.
Bago isinagawa ang raid, nakipag-ugnayan muna ang BI sa Philippine National Police (PNP) Pampanga at PNP Angeles City upang matiyak ang maayos at lehitimong operasyon.
Habang isinasagawa ang enforcement, dumating pa ang isa pang Korean national na nagpakilalang may-ari o manager ng inuupahang gusali at sinubukang hadlangan ang operasyon. Ipinahayag pa umano nito na ipinadala siya ng Korean authorities.
Ngunit matapos ang beripikasyon ng BI sa pamahalaan ng Korea, lumabas na walang ganitong utos o kinatawan na ipinadala sa naturang operasyon.
Dinala ang mga dayuhan sa Maynila para sa booking at dokumentasyon at kasalukuyang nakadetine sa BI Warden Facility habang hinaharap ang kanilang deportation case.
Sinabi ni Commissioner Viado na iimbestigahan din nila ang Korean national na nagtangkang makialam sa operasyon upang malaman ang posibleng koneksyon nito sa ilegal na gawain sa lugar.
Iginiit naman ng BI chief na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon laban sa mga dayuhang nagpapatakbo ng scam hubs sa bansa.
“Hindi natin papayagan ang mga organized fraud syndicates na gamitin ang Pilipinas bilang base ng kanilang kriminal na operasyon,” ani Viado.
“Patuloy na kikilos ang aming intelligence at enforcement units upang maaresto at mapaalis sa bansa ang mga dayuhang lumalabag sa ating batas,” dagdag pa ng opisyal. Jay Reyes