Home NATIONWIDE Mga pantalang lumagpas sa target collection kinilala ng BOC

Mga pantalang lumagpas sa target collection kinilala ng BOC

1
0

MANILA, Philippines – PINARANGALAN ng Bureau of Customs (BOC) ang mga pantalang nagpakita ng natatanging performance sa pangongolekta ng kita at pagpapatupad ng anti-smuggling operations sa isinagawang Collectors’ Conference, kasabay ng panawagan ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ipagpatuloy ang magandang takbo ng ahensya.

Kabilang sa kinilala ang Ports of Manila, Iloilo, NAIA, Cebu, Batangas, Limay, Clark, at Manila International Container Port (MICP) matapos maabot at malampasan ang kanilang collection targets noong Hunyo 2026.

Bukod dito, ginawaran din ang Ports of Aparri, Cagayan de Oro, NAIA, Iloilo, at Davao dahil sa mas mataas nilang revenue collections mula Enero hanggang Hunyo 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Namukod-tangi rin ang Ports of NAIA, Iloilo, at Clark matapos anim na magkakasunod na buwan na lampasan ang kanilang buwanang collection targets mula Enero hanggang Hunyo 2026.

Sa naturang kumperensya na idinaos sa pangunguna ng Port of Batangas sa ilalim ni District Collector Carmelita M. Talusan, sinabi ni Commissioner Nepomuceno na ang mga natamong tagumpay ng BOC sa revenue collection, trade facilitation, anti-smuggling campaign, at institutional reforms ay patunay ng dedikasyon ng buong ahensya.

Ayon kay Nepomuceno, kinilala rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., maging ng mga stakeholder at partner agencies, ang patuloy na pagbuti ng performance ng Bureau of Customs.

Kasabay nito, kinilala rin ang mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) dahil sa matagumpay nilang operasyon na nagresulta sa pagkakasamsam ng bilyong pisong halaga ng mga kontrabandong sigarilyo.

Binigyang-diin din ng BOC chief ang pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling at ang pinalakas na pakikipagtulungan ng ahensya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang higit pang maprotektahan ang mga hangganan ng bansa.

Sa pagtatapos ng kumperensya, hinimok ni Nepomuceno ang lahat ng opisyal at kawani ng BOC na panatilihin ang mga repormang nakabatay sa Integrity, Accountability, at Modernization upang lalo pang mapahusay ang serbisyo publiko at mapalakas ang ambag ng Bureau of Customs sa ekonomiya ng bansa. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here