MANILA, Philippines – Pasado na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives ang panukala na nakatuon sa pagpapaingting sa kabutihan, dignidad at inklusyon sa lipunan ng mga senior citizens at Persons With Disabilities (PWDs).
Ang HB 10188, o Senior Citizens Protection Against Fraud Act na iniakda ni Muntinlupa City Rep. Jaime Fresnedi, ay naglalayong magtatag ng mga mekanismo para turuan at gabayan ang mga senior citizen ng mga impormasyon hinggil sa ibat ibang uri ng pandaraya at panloloko.
Sa ilalim ng panukala ay inaatasan ang Department of the Interior and Local Government (DILG), sa pamamagitan ng mga lokal na pamahalaan na turuan ang mga senior citizens, kabilang na ang kanilang mga pamilya at mga tagapag-alaga, sa pangkalahatang impormasyon sa mail, telemarketing at internet frauds, kabilang na ang mga impormasyon kung saan nila maaaring idulog ang reklamo at kung papaano nila maiiwasan ang ganitong mga kaso.
Tatlo pang panukala para sa kapakanan ng PWDs at senior ang naipasa sa ikalawang pagbasa.
Una ay HB 10312 na nagmamandato na ang diskwentong 20% na pribilehiyo ay mananatili para sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) kahit pa ang mga produktong ibinebenta o bibilhin ay naka promo.
Ikalawa ang HB 10313, na magpapairal ng eGov Super App; at HB 10314 na para sa rationalization ng mga benepisyo at mga pribilehiyo ng mga senior citizens at PWDs. Gail Mendoza