MANILA, Philippines – Bigo ang pulisya ngayong Biyernes na pagsilbihan ang aktor na si Ken Chan ng warrant of arrest para sa mga kasong syndicated estafa.
Ang aktor ay wala sa kanyang tahanan sa Quezon City sa oras ng pagbisita, at ang pulisya ay walang impormasyon tungkol sa kanyang kasalukuyang kinaroroonan.
Sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, ang syndicated estafa ay non-bailable at may parusang habambuhay na pagkakakulong.
Sinabi ni Atty. Joseph Noel Estrada at Atty. Maverick Romero ng Estrada & Aquino Law Office, ang nagrereklamo ay isang negosyanteng nasa pagitan ng 40 hanggang 50 taong gulang na gustong maging anonymous.
Kinumpirma nila na sina Ken at pitong kapwa akusado ay nahaharap sa mga kaso kasunod ng isang diumano’y investment scam.
“Using misrepresentation and fraudulent escapes, nakakuha sila ng pera laban dito sa complainant,” ayon sa abogado kung saan umabot umano sa P14 milyon ang sinasabing nakulimbat.
Unang sinubukan ng mga pulis na isilbi kay Ken ang warrant of arrest noong Setyembre pero bigo rin sila. RNT