Camp Alejo Santos, Malolos, Bulacan – Nagsagawa ng inspeksyon ang pulisya sa mga cellphone ng kanilang hanay matapos mapabalitang ilang pulis ang nahuhumaling sa online gambling and betting.
Sa Facebook post ng Bulacan Police Provincial Office, pinangunahan mismo nina PLTCOL Allan Palomo, DPDA at PLTCOL Laurente Acquiot, DPDO sa ilalim ng pamumuno ni PCOL Satur Ediong ang inspection nitong umaga ng Martes sa mga cellphones ng mga pulis sa lalawigang ito.
Ayon sa post, walang pinili ang inspection dahil ultimo mataas na opisyal o mga hepe kasabay ang kanilang mga tauhan ay hindi pinalampas ng naturang inspeksyon.
Nalamang ang naturang hakbang ay para maiwasan na malulong ang ilan sa kanilang hanay sa online gambling at mawalan ng sahod kalaunan hanggang sa posibleng mainvolved sa krimen.
Nabatid na wala naman nakitaan ng online gambling and betting sa inspeksyon ng mga cellphone ng mga parak sa nasabing kampo ng pulisya.
Napagalamang ang naturang direktiba ay alinsunod sa kagustuhan ni Chief PNP Police General Francisco Marbil na kalusin ang iligal na aktibidades sa kanilang hanay kung mayron man.
Sinasabing maraming milyonaryo ang nalulong sa online gambling gaya ng scatter ang naghirap kalaunan. Dick Mirasol III