Home NATIONWIDE Mga paratang kaugnay sa pagpatay sa ex-barangay secretary itinanggi ni kap

Mga paratang kaugnay sa pagpatay sa ex-barangay secretary itinanggi ni kap

12
0

Bulacan – Mariing itinanggi ng kampo ng kapitan del baryo ang paratang laban sa kanya kaugnay sa pamamaril at nakapatay sa dating barangay secretary sa bayan ng Santa Maria noong Huwebes.

Sa Facebook post ng page ng Brgy. Poblacion SMB, Kap JR Morales, na may petsang Agosyo 4, mariing itinanggi ng kliyente ni Atty Sheila Concepcion ang mga lumabas na ulat kamakailan na umanoy siya ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Gelo Enriquez, na isang guro at dating barangay secretary ng Brgy. Poblacion.

Aniya, nais din niyang linawin na ang kanyang kliyente ay hindi kusang-loob na sumuko bagkus siya ay nakipagtulungan sa awtoridad ainsunod sa kanyang tungkulin bilang punong bayan.

Sinabi din ng abogada na sa buong proseso ng imbestigasyon, minabuti nilang umiwas sa pagbibigay ng anumang pahayag bilang paggalang sa naulilang pamilya at upang hayaang umusad ang imbestigasyon nang malaya, patas at may buong pagtitiwala sa makatarungang proseso ng hustisya.

Matapos umano ang pagsusuri sa mga ebidensyang inihain ng mga nagrereklamo, napagalamang walang sapat na factual at legal na batayan ang reklamong inihain laban sa punong bayan dahilan para iutos ang kanyang paglaya.

“Nananawagan kami sa publiko at media ma maging responsable sa pagbabahagi at pag-uulat. Ang pagpapakalat ng hindi beripikado at maling impormasyon ay maaaring makasira sa karapatan at reputasyon ng isang tao. Kasalukuyan naming pinag-aaralan ang lahat ng legal na hakbang laban sa mga nagpalaganap ng mga mali o mapanira na pahayag,” anang abogada.

Sa huling pahayag, sinambit na ang paratang ay hindi katumbas ng pagkakasala habang ang alegasyon ay hindi kapalit ng ebidensya at kasama sila sa paghahanap sa katotohanan upang ang may sala ay matukoy, maaresto at mapanagot sa hukuman sapagkat sa ganoong paraan lamang tunay na makakamit ang katarungan.

Sinasabing bago, binawian ng buhay ang biktima sa pagamutan ay nabanggit niya sa isang video ang nasa likod ng pamamaril na agad nagviral sa social media. Dick Mirasol III

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here