MANILA, Philippines- Nakaranas ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ng pagdagsa ng mga pasahero bago sumapit ang Holy Week.
Base sa ulat nitong Biyernes, nag-ooperate na sa full capacity ang provincial buses sa PITX, nagseserbisyo sa 160,000 pasahero kada araw mula April 9.
Sinabi ng terminal na inaasahan nila ang hanggang 2.5 milyong pasahero hanggang Easter Sunday, April 20.
“Napakarami talagang bumabyahe sa Bicol. In fact, as we speak now, marami sa biyahe pa-Bicol na puno na. Pero huwag sila mag-alala, dahil nga kahapon nakipagpulong tayo sa LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) at marami silang na-isyu na special permits,” pahayag ni PITX spokesperson Jason Salvador.
Iniulat din ng PITX na maraming biyahe ang naantala at kasalukuyan nilang tinutugunan ang pagsisikip sa terminal.
“Nagkakaroon po kasi ng trapiko. Siyempre, sabay-sabay umaalis. Ang nagiging epekto nito yung turnaround time ng mga bus. If nadelay sila palabas, madedelay din sila papasok,” paliwanag ni Salvador.
Naghigpit din sila sa pag-inspeksyon sa bagahe ng mga pasahero. RNT/SA