ALBAY, Philippines – Nagkagulo ang mga pasahero ng isang bus papuntang Samar matapos itong masunog Martes ng umaga sa national highway sa Matacon village.
Ayon sa pulisya, nagsimula ang apoy bandang alas-5 ng umaga nang nagka-mechanical problem ang bus mula Metro Manila.
“Maaaring nag-lock ang preno, kaya nag-overheat at ito ang nagpasiklab ng sunog,” ayon kay Police Major Christian Brua, OIC ng Polangui Municipal Police Office.
Kwento ng mga pasahero, unang naamoy nila ang nasusunog na goma, kasunod ang malakas na putok, kaya agad silang lumabas habang puno ng usok ang bus.
Ayon kay pasaherong si Mary Joy Cardiño, nagsigawan ang lahat at agad tumakas sa bus. Sinabi naman ni Stella Aguilar na dumating ang mga bumbero agad ngunit hindi na nasalba ang ilang personal belongings, kabilang ang mga regalong pamasko para sa kanyang mga anak.
“Nakakalungkot na nawala iyon, pero ang mahalaga ay ligtas ang lahat,” dagdag niya.
Hindi pa tiyak ang bilang ng apektadong pasahero, at walang iniulat na nasaktan o nasugatan. RNT/MND