Home METRO Mga pekeng gamot nakumpiska sa Lucena

Mga pekeng gamot nakumpiska sa Lucena

MANILA, Philippines- Nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kahon na naglalaman ng mga hinihinalang pekeng gamot sa loob ng isang bahay sa Lucena City, Quezon.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang NBI kaugnay sa umano’y nagkalat na pekeng gamot para sa lagnat, ubo, sipon, hypertension, at antibiotics sa nasabing lungsod at iba’t ibang parte ng Quezon Province.

Sinabi ni NBI Quezon chief Bernard Dela Cruz na agad silang nagsagawa ng imbestigasyon na nagresulta ng pagsisilbi ng search warrant sa natukoy na suspek.

Ayon sa NBI, walang lisensya para magbenta at mag-deliver ng gamot ang naarestong suspek sa maliliit na tindahan sa iba’t ibang lugar sa probinsya.

Mahaharap ngayon sa reklamong paglabag sa FDA Act of 2009, ang Pharmacy Law, at ang Special Law on Counterfeit Drugs ang suspek.

Maari ding makulong ng hanggang 10 taon ang suspek na nakaditine ngayon sa detention facility ng NBI Lucena. Jocelyn Tabangcure-Domenden