Home NATIONWIDE Pagpapalawig ng tungkulin ng OSG inihirit ni Escudero

Pagpapalawig ng tungkulin ng OSG inihirit ni Escudero

MANILA, Philippines- Hiniling ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero sa Office of the Solicitor General (OSG) na palawakin ang tungkulin at tumulong sa paghubog ng kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng pagganap ng papel bukod sa pagiging chief legal defender ng pamahalaan.

Ipinananawagan ito ni Escudero sa 123rd founding anniversary ng OSG nitong Hunyo 7 sa Grand Ballroom ng Hotel Sofitel sa Pasay City. Pinatingkad ng lider ng Senado ang kasaysayan ng OSG at mahalagang kontribusyon nito simula nang likhain noong 1901.

“The OSG is one of the oldest and most historically significant government offices in the Philippines. For 123 years, the OSG has been at the forefront of legal battles and has played a critical role in shaping the country’s legal landscape,” ani Escudero.

Pero, pinahalagahan ni Escudero ang pangangailangan para sa OSG sa ilalim ng liderato ni Solicitor General Menardo Guevarra, na gamitin at paunlarin ang pagtugon sa mga bagong hamon.

“It’s not too late for us to think of other ways on how we can shape our history using the current and future powers, responsibilities and obligations of the Office of the Solicitor General (OSG),” ayon kay Escudero.

Ipinagtatanggol ng OSG ang batas kapag kinuwestiyon sa Supreme Court, kaya’t sinabi ng bagong lider ng Senado na mas makabubuti sa OSG na lumahok sa proseso ng pagsasagawa ng batas sa pamamagitan ng pagtulong sa Senado at Kamara sa paglikha ng panukala upang maiwasan ang potensyal na isyung konstitusyunal.

“Kayo rin naman ang magtatanggol ng mga batas na ipinapasa namin tuwing ito’y kinukwestyon sa Korte Suprema. Eh kung bakit hindi ninyo kami samahan habang hinuhubog pa lamang namin ang mga batas na ito upang sa gayon maiwasan na ang mga kwestyon na maaaring makaapekto sa constitutionality o unconstitutionality ng mga batas na ipinapasa ng Kongreso,” aniya.

Tinukoy din ng Senate president ang kahalagahan ng OSG sa foreign policy at international disputes. Iminungkahi niya sa OSG na maghain ng kaso upang matututo sa foreign judgments o arbitral rulings pabor sa Pilipinas.

Kapag ginawa ng OSG ito, ayon kay Escudero, magkakaroon ng panuntunan ang kasalukuyan at susunod na Pangulo hinggil sa mga rulings at limitahan ang kapangyarihan ng Presidente na baguhin ang ilang bahagi ng foreign policy.

“This will guide the current president, but more importantly future presidents with regard to this arbitral ruling so this arbitral ruling cannot be changed especially if it favors our nation because its part of the ruling decision of the Supreme Court,” ayon kay Escudero.

“This will limit the President’s authority on what and what cannot be done,” dagdag niya.

Ipinanukala pa ni Escudero na palawakin ang papel ng OSG sa paglutas ng sigalot sa pagitan ng ilang ahensya ng pamahalaan bago sumapit sa korte.

“The OSG’s scope should include dispute settlements involving various agencies, including government-owned and controlled corporations (GOCCs), to avoid the costly and time-consuming process of litigation,” ayon kay Escudero. Ernie Reyes