MANILA, Philippines- Itinakda ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng plebisito upang makaboto kung aayon o hindi ang mga residente ng Las Piñas sa ordinansa ng territorial boundaries ng lungsod na gaganapin sa Hunyo 29.
Ang City Ordinance No. 1941-23 Serye ng 2023 ay naglalarawan ng territorial boundaries ng 20 barangay sa lungsod na naaayon sa survey ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakumpleto noon pang Marso 2015.
Nakasaad sa naturang ordinansa na nang simulan ang pagbuo ng mga barangay noong 1978, “the territorial metes and bounds of the said barangays have not been properly identified such that there are barangays whose land areas are not contiguous and/or overlapping with another barangay.”
“Moreover, confusion in the territorial boundaries of the barangays is being encountered which could cause disputes, or be subject of disputes, especially since the cadastral mapping in 1980 for the barangays conflicted with the boundaries as set forth in the Presidential Decrees,” ayon pa sa nabanggit na ordinansa.
Ang pamahalaang lokal ng Las Piñas, kabilang ang iba pang sangay ng gobyerno na binubuo ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Budget and Management (DBM), Philippine Statistics Authority (PSA), at ng Comelec ay pinagkalooban ng tatlong taon upang ratipikahan ang pagbabago sa nabanggit na ordinansa sa kani-kanilang mga rekord upang maayos ang mga bagong boundaries at hurisdiksyon ng mga barangay sa lungsod.
Kaugnay sa pagsasagawa ng botohan para sa plebisito sa lungsod na gaganapin mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa Hunyo 29 ay naipatupad na rin ang implementasyon ng gun ban noon pang Mayo 28 at magtatapos sa Hulyo 6 habang ang implementasyon naman ng liquor ban ay nakatakda sa darating na Hunyo 28 at 29.
Para sa karagdagang kaalaman, ang computerized na listahan ng mga botante ay nai-post na noong Mayo 28 habang makikita din sa Facebook page ng Las Piñas ang sunod-sunod na aktibidad na may kaugnayan sa pagsasagawa ng darating na plebisito.
Kasabay nito ay nakasaad din sa nabanggit na ordinansa ang pagsasagawa ng barangay “pulong-pulong” sa lahat ng 20 barangay sa lungsod na nagsimula noong Mayo 28 hanggang Hunyo 27. James I. Catapusan