Home NATIONWIDE Senate probe vs pagdami ng Chinese nationals sa P’que village gugulong

Senate probe vs pagdami ng Chinese nationals sa P’que village gugulong

MANILA, Philippines- Naghain ng isang resolusyon ang isang senador na naglalayong paimbestigahan ang pagdami ng Chinese national sa loob ng Multinational Village sa Parañaque City.

Sa paghahain ng Senate Resolution (SR) No. 1043, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na palaging nagrereklamo ang ilang resident-homeowners ng Multinational Village sa pagdagsa ng Chinese nationals simula noong 2019 nang kalapin ang Chinese para sa Philippine Overseas Gaming Operators (POGOs) na nagsimulang tumira sa kanilang lugar.

“Kamakailan ay sunod-sunod ang mga natatanggap ko na reklamo mula sa mga homeowner ng Multinational Village sa Parañaque City tungkol sa pagsakop na ng mga Chinese national sa kanilang lugar. Nagmistulang Chinese territory na raw ang kanilang subdivision,” ayon kay Tulfo.

“May duda rin ang mga residente na maaaring may mga POGO nang nagooperate sa loob ng kanilang village,” giit pa niya.

Noong Marso 2020, pinaimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang kuwestiyonableng pagdami ng Chinese nationals sa Multinational Village pero bilang nagkaroon ng COVID-19 pandemic.

Apat na taon matapos lumantad ang ganitong sitwasyon, sinabi ni Tulfo na nananatiling nabubuhay ang resident-homeowners ng Multinational Village sa takot na banta sa kanilang seguridad.

Noon nakarang Mayo 2, 2024, dinakip ang 10 Chinese nationals sa loob ng isang bahay sa Multinational Village sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act (R.A. No. 9208), Alien Registration Act (R.A. No. 562) at Cybercrime Prevention Act (R.A. No. 10175).

Ayon kay Tulfo, may ilang bahay sa lugar na itinayo para sa isang single family ngunit may nakatirang mahigit 40 POGO workers na isang paglabag sa R-1 category ng village.

Iginiit ng senador na kailangang matukoy ang paglikha ng patakaran upang matugunan ang isyu .Naunang hiniling niya sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force, National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration na imbestigahan ang status at aktibidad ng Chinese nationals sa Multinational Village.

“Nangako naman ang nasabing mga ahensya na agad nilang aaksyunan ito,” ayon kay Tulfo. Ernie Reyes