MANILA, Philippines – Kasalukuyang sinusuri ng Bureau of Immigration ang travel records ng mga personalidad na kabilang sa ikalawang batch ng immigration lookout bulletin order na inisyu kaugnay sa kwestyonableng flood control projects.
“Yung pangalawang batch na natanggap natin kahapon, inaantay pa po natin ‘yung full list of the travel records of the individuals stated there,” pahayag ni BI spokesperson Dana Sandoval sa panayam ng GMA News nitong Biyernes, Setyembre 5.
Aniya, ang mga indibidwal na kabilang sa unang listahan ng ILBO ay nasa Pilipinas pa.
Idinagdag ni Sandoval na ang ilan sa 35 personalidad sa unang batch ng lookout order ay umalis ng Pilipinas noong Agosto ngunit bumalik din kalaunan.
“Doon po sa unang batch, ‘yun po ‘yung na-check na namin, lahat po nandito sa Pilipinas,” ani Sandoval.
“Although meron pong mga recent na nagbiyahe, parang mga late August they left but they returned already,” dagdag pa niya.
Hindi naman ibinigay ng opisyal ang pangalan ng mga indibidwal na lumipad palabas ng bansa.
“At this point, hindi ko muna ma-share ‘yung mga finer details ng mga travel records ng mga individual, up until ma-submit po natin sa Department of Justice ‘yung full report about it.”
Nitong Miyerkules, pinirmahan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang unang batch ng ILBO laban sa 35 kontratista at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways na iniuugnay sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
May kabuuang 43 indibidwal naman na sangkot sa kwestyonableng mga proyekto ang nasa ilalim ng ikalawang batch ng ILBO.
Samantala, nilinaw naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang ILBO ay para sa monitoring purposes lamang at hindi sapat para pigilan ang isang tao na makalabas ng bansa. RNT/JGC