MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na mahalaga ang Courses for Literacy in Internet and Computer Knowledge (CLICK) Program ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagpo-produce ng henerasyon ng mga pinoy na “tech-savvy and future-ready”.
Ito’y matapos na i-welcome ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang good news na ito matapos na i-turnover ang 75 na laptop sa dalawang community colleges sa Camarines Sur.
Ang Project CLICK ng DICT ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyakin na walang maiiwan na mga filipino habang tinatanggap ng bansa ang digital transformation.
Sa ilalim ng flagship Project CLICK ng DICT, nakatanggap ng 50 laptop units ang Governor Mariano E. Villafuerte Community College (GMVCC) sa bayan ng Libmanan habang ang Baao Community College (BCC) naman ay nakatanggap ng 25 units.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Castro na ang programa ng DICT ay naglalayon na ipromote ang digital access bilang pangunahing karapatan at hindi isang pribilehiyo.
“Inaasahang makakatulong ang mga laptop na ito sa mga estudyante, guro, non-teaching personnel at maging local government workers para matutong maging innovative at magkaroon ng mga bagong oportunidad,” ayon kay Castro.
“Dahil sa enhanced access sa digital resources, inaasahan din na makakakita ng improved connectivity, mas mahusay na academic outcomes at isang henerasyon ng tech-savvy at future ready na mga Pilipino,” aniya pa rin. Kris Jose