BEIJING- Sinabi ng coast guard ng China nitong Linggo na tumugon umano ito sa sitwasyon na kinasasangkutan ng anim na Pilipino na inakusahan nito ng ilegal na panghihimasok sa Sandy Cay, matapos sabihin ng state media ng Beijing na ang maliit na sandbank ay isinailalim na kamailan sa Chinese control.
Inaangkin ng Beijing ang soberanya sa halos kabuuan ng South China Sea at pinalalayas ang ibang bansa na umaangkin sa ilang bahagi nito, at binabalewala ang international ruling na walang legal na basehan ang claims nito.
Sinabi ni Chinese coast guard spokesperson Liu Dejun nitong Linggo ng gabi na anim na tauhan mula sa Pilipinas noong araw na iyon ang “illegally boarded” Sandy Cay, na tinatawag nitong Tiexian Reef, sa kabila ng “warnings and dissuasion” mula sa Chinese side.
Inihayag ni Liu na ang Chinese coast guard personnel “boarded the reef and investigated and dealt with it in accordance with the law.”
“We urge the Philippines to immediately stop its infringement,” giit ni Liu, idinagdag na ang mga aksyon “violated China’s territorial sovereignty.”
Ang sandbank, bahagi ng Spratly Islands, ay matatagpuan malapit sa Thitu Island, tinatawag ding Pag-asa at site ng isang Philippine military facility.
Iniulat ng Chinese state media nitong Sabado na ang coast guard ng bansa “implemented maritime control” sa Tiexian Reef noong kalagitnaan ng Abril.
Inihayag ng state broadcaster CCTV na dumaong ang coast guard sa Sandy Cay “to exercise sovereignty and jurisdiction” sa reef, magsagawa ng “inspection” at “collect video evidence regarding the illegal activities of the Philippine side.”
Naglathala ang broadcaster ng larawan ng limang indibidwal na nakatayo sa uninhabited reef.
Naglinis din umano ang grupo ng “leftover plastic bottles, wooden sticks and other debris and garbage on the reef,” batay sa broadcaster. RNT/SA