MANILA, Philippines- Nakatakdang mag-alok ng tulong at livelihood programs ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga Pilipinong apektado ng mas pinatinding immigration policies ng Amerika.
Sinabi ni Labor secretary Bienvenido Laguesma na ang ahensya ay magbibigay ng iba’t ibang uri ng tulong kabilang ang employment support para sa mga mapapauwi.
Ayon kay Laguesma, ito ay alinsunod sa direktiba ng Pangulo na magbigay ng tulong sa mga Pilipinong maaring ma-deport upang matiyak na matatanggap nila ang kinakailangang suporta pagbalik nila sa bansa.
Ang usapin ay nakakuha ng pansin nang paigtingin ng US ang pagsugpo sa undocumented immigrants na nagbunsod sa pagtaas ng deportasyon sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Donald Trump.
Agad namang pinakilos ng gobyerno ang mga pangunahing ahensya kabilang ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang tulungan ang mga apektadong indibidwal habang ang DOLE ay tututok sa reintegration support.
Binanggit ni Laguesma ang dating karanasan ng gobyerno sa paghawak ng malakihang mga deportasyon, na tinutukoy ang pagpapauwi ng mga undocumented na manggagawang Pilipino mula sa Malaysia bilang isang halimbawa ng kahandaan ng pamahalaan sa mga katulad na sitwasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden