BUSAN, South Korea- Binalaan ni Philippine Ambassador to South Korea Ma. Theresa Dizon-De Vega ang mga Pilipinong nagbabalak magtrabo sa ibang bansa na huwag kumuha ng serbisyo ng recruiters nang hindi muna sinusuri ang mga ito.
Ipinaliwanag ni Dizon-De Vega na nagha-hire ang employers sa South Korea ng foreign workers sa pamamagitan ng government-to-government arrangement.
Sa proseso, ayon sa opisyal, inaatasan ang Filipino jobseekers na makipag-ugnayan sa Department of Migrant Workers upang maiwasang mabiktima ng illegal recruiters, partikular sa mga nag-aalok ng trabaho online.
Aniya, nakatanggap ang pamahalaan ng mga ulat ng mga biktima ng illegal recruitment.
Mayorya ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa South Korea ay nasa ilalim ng EPS o Employment Permit System, batay kay Dizon-De Vega, at sinabing nangangahulugan ito na walang pribadong ahensya o kompanya ang nakikilahok sa labor migration.
“Pag kayo po ay nilapitan ng isang ahensya o isang kumpanya at sinabi nilang, ‘kami po, pwede po namin kayong irepresenta at ipapa-hire sa isang small-and-medium enterprise sa Korea.’ Ito po ay isang senyales… na hindi po iyan legitimate,” paalala ni Dizon-De Vega.
Maraming OFWs sa South Korea ang nasa manufacturing sector habang ang iba ay nasa information and communications technology and engineering. Nagtuturo naman ang ilan ng English sa Korean students.
Mayroon ding seasonal workers na nagsasagawa ng agricultural work sa loob ng lima hanggang anim na buwan, base sa envoy.
Tinutulungan naman ng embahada ang undocumented Filipinos na iproseso ang kanilang mga papeles sa South Korea, pagbanggit ni Dizon-De Vega.
“Kaya kami naman po, ini-encourage namin na ayusin ang kanila pong estado sa abot po ng makakaya sa loob po ng mga tinatawag nating guidelines, mga proseso, ng batas po ng host country.”
Paglilinaw ni Dizon-De Vega, wala pang pamamaraan upang makapag-apply ang mga dayuhan bilang immigrants sa South Korea. RNT/SA