Home METRO Price freeze pinairal sa La Castellana, NegOcc kasunod ng pagsabog ng Mt....

Price freeze pinairal sa La Castellana, NegOcc kasunod ng pagsabog ng Mt. Kanlaon

MANILA, Philippines- Walang magiging paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa bayan ng La Castellana sa Negros Occidental sa loob ng hindi bababa sa 60 araw kasunod ng pagpapatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) ng price freeze kasunod ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon.

Saklaw ng price freeze ang mga bilihin tulad ng canned sardines, tomato sauce, gatas, kape, loaf bread, pandesal, instant noodles, asin, laundry detergent, bottled water, at kandila, batay sa ulat nitong Linggo.

Kasunod ito ng pagsasailalim sa La Castellana sa state of calamity nang pumutok ang Kanlaon, kung saan nagdulot ang pag-ulan ng pag-agos ng lahar mula sa bulkan na nagresulta sa tila sementong baha sa mga kalsada.

Sinabi ni Mayor Rhumyla Mangilimutan na labis na apektado ng pagputok ng bulkan ang mga pananim sa upper barangays ng La Castellana.

Sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na 17 volcanic earthquakes ang naganap sa Bulkang Kanlaon noong Sabado, matapos itaas ang alert sa bulkan mula Level 1 sa Level 2 noong nakaraang linggo. RNT/SA