Home NATIONWIDE PBBM: 2024 National ICT Summit suportahan

PBBM: 2024 National ICT Summit suportahan

MANILA, Philippines- Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na makibahagi at suportahan ang 2024 National Information and Communications Technology (ICT) Summit ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Magsasagawa ang DICT, katuwang ang pribadong sektor, ng 2024 National ICT Summit sa Hunyo 18 ay 19 sa Crowne Plaza Manila Galleria, Ortigas Center, Quezon City na may temang “Digital Governance: Navigating the Future.”

Hinikayat ni Marcos, sa Memorandum Circular (MC) No. 54 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Hunyo 7, ang lahat ng national government agencies, local government units (LGUs) at iba pang government instrumentalities na suportahan ang DICT sa adhikaing ito.

Isinapubliko ang kopya ng MC 54 nitong Linggo.

Ipinag-utos din ng Pangulo ang pagbibigay-awtorisasyon sa kaukulang ICT executives, chief information officers, technical staff, academics, at key personnel ng mga ahensya ng pamahalaan na dumalo at makilahok sa summit “on official time, provided that they are issued the pertinent clearances or authorities by their respective heads of offices.”

Ani Marcos, dapat tiyakin ng government agencies na “their participation in the said Summit will not adversely affect agency operations, as well as the delivery of services to the public.” RNT/SA