Home NATIONWIDE Mga Pinoy sa Hong Kong binalaan vs alok na surrogacy jobs

Mga Pinoy sa Hong Kong binalaan vs alok na surrogacy jobs

MANILA, Philippines- Nagbabala ang Philippine Consulate General, araw ng Lunes sa lahat ng mga Pinoy sa Hong Kong, partikular na sa migrant domestic workers (MDW), laban sa surrogacy jobs sa Georgia at iba pang bansa.

Sa isang abiso, sinabi ng Consulate na nakatanggap ito ng ulat ukol sa sindikato na target ang mga ‘terminated MDW’ sa Hong Kong na magtrabaho bilang ‘surrogate mothers’ sa Georgia.

“The MDW is convinced to pose as a returning worker to Hong Kong and, thereafter, they are transited through the UAE or Qatar before they arrive in Georgia,” ayon sa Consulate.

Base pa sa Konsulado, sa oras na nasa Georgia na, may ilang MDW ang nagiging biktima ng panggagahasa at sapilitang aborsyon.

Samantala, binalaan din ang mga Pilipino laban sa visa fixers na nagpapanggap bilang kinatawan ng lehitimong employment agencies.

Ang visa fixers umano ay naniningil sa mga MDW ng HK$20,000 hanggang HK$25,000 para sa kanilang mga serbisyo kabilang na rito ang paghahanap ng foreign domestic helper (FDH) visa sponsors sa Hong Kong.

“The fixer will assure the MDW that she can stay and work in Hong Kong without working for the employer stated in her Standard Employment Contract,” ang sinabi ng Konsulado.

“Unfortunately, several Filipino MDWs were already arrested and convicted for False Representation to an Immigration Officer by partaking in this modus operandi, “ anito pa rin.

Ang krimen ng False Representation sa isang Immigration Officer ay maparurusahan sa ilalim ng Hong Kong Immigration Ordinance at may multa hanggang HK$150,000 at pagkabilanggo ng hanggang 14 taon.

Hinikayat naman ng Konsulado ang mga Pinoy sa Hong Kong na tanggapin lamang ang mga overseas job na iniaalok sa pamamagitan ng licensed Philippine recruitment agencies at accredited Hong Kong employment agencies. Kris Jose