MANILA, Philippines- Hinimok ni congresswoman-elect Leila de Lima nitong Lunes si dating presidential spokesperson Harry Roque na bumalik na sa Pilipinas at harapin ang mga kaso laban sa kanya.
Inihayag ito ni De Lima sa sidelines ng proklamasyon ng Commission on Elections ng party-list winners sa 2025 national and local elections nang kunan ng komento sa warrant of arrest laban kay Roque.
“Ang pinakamensahe ko lang sa kanya, bumalik na sya dito. Harapin niya, harapin niya yung mga akusasyon laban sa kanya. Huwag siya dapat nagtatago sa ibang bansa o… under the application for asylum ay ganun na lang [na] hindi siya babalik dito para harapin,” pahayag ni De Lima.
“May warrant of arrest na at alam naman niya yan bilang isang abogado na there is such a principle or a dictum in law that flight is indicative of guilt. So dapat harapin niya,” dagdag niya.
Ang dating justice secretary at dating senador ang first nominee ng Mamamayang Liberal Party-list, na nanalo sa 2025 national and local elections.
Kamakailan, nagpalabas ang Pampanga Regional Trial Court-Branch 118 ng warrant of arrest laban kay Roque, at 49 pa para sa qualified human trafficking kaugnay ng umano’y scam hub na pinatatakbo ng kompanyang Lucky South 99. RNT/SA