MANILA, Philippines – Binisita ng Konsulado ng Pilipinas sa Los Angeles, California ang mga Filipino sa Pasadena Evacuation Center kung saan tumutuloy ang mga biktima ng nagpapatuloy na wildfire.
Sinabi ng PH Consulate na sila ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa Filipino community para alamin ang sitwasyon ng mga nawalan ng tirahan, kung saan ang iba ay kinupkop ng kanilang mga kababayang kaibigan.
Wala pang eksaktong bilang ang Konsulado sa mga apektadong Pinoy.
“Los Angeles authorities have been unable to provide information on the exact number of Philippine citizens affected by the wildfires,” pahayag ng Public Diplomacy and Information Section ng Philippine Consulate sa Los Angeles.
“The Consulate General nevertheless continues to reach out to local authorities and Filipino-American organizations to determine the situation of any affected Philippine citizen and stands ready to provide assistance as allowed under existing laws,” dagdag pa.
Kamakailan ay umapela ng tulong ang mga Filipino at Filipino-Americans na naapektuhan ng wildfire at sinabing ilan sa kanila ay naubos ang lahat ng ari-arian dahil sa sunog.
“Sa ngayon, we’ve been trying to reach ‘yung ating mga kababayan through all possible means… Marami sa ating mga kababayan ay under mandatory evacuation,” sinabi ni DFA Assistant Secretary Adelio Angelito Cruz sa panayam ng DZBB.
Ani Cruz, mayroong tatlong pamilyang Pinoy ang lumapit sa pamahalaan para humingi ng tulong.
“Kakaunti lamang ang humihingi ng tulong sa amin. We are assuming na marami silang kamag-anak sa LA at doon muna sila na naninirahan… Sa Palisades, walang masyadong mga Pilipino,” aniya.
Mayroong tatlong milyong Pinoy ang nasa kabuuang estado ng California. RNT/JGC