MANILA, Philippines- Sinabihan ang mga Pilipino sa South Korea na iwasang makibahagi sa anumang kilos-protesta na isinasagawa sa dayuhang bansa.
Nagpaalala ang Philippine Embassy sa Republic of Korea sa mga Pilipino roon na pinagbabawalan ang mga dayuhan na sumali sa public demonstrations sa ilalim ng batas ng South Korea.
“Nais pong ipaalala ng Embahada ng Pilipinas sa lahat ng mga Filipino sa South Korea na umiwas sa pakikilahok sa anumang protesta, rally, o pampublikong demonstrasyon,” pahayag ng embahada nitong Linggo.
“Sa ilalim ng mga batas ng Republika ng Korea (ROK), mahigpit na ipinagbabawal ang mga dayuhan na makibahagi sa ganitong uri ng pampulitikang aktibidad,” dagdag nito.
Binanggit ng embahada na magreresulta ang paglabag sa batas sa legal consequences sa ilalim ng Article 17 ng Immigration Control Act (Sojourn and Departure of Foreigners) ng South Korea.
Pinayuhan ang mga Pilipino na tumalima sa mga batas at regulasyon ng bansa upang maiwasan ang aberya sa pananatili nila sa South Korea.
Nagsasagawa ng kilos-protesta ang mga raliyista upang igiit na patalsikin sa pwesto ni South Korean President Yoon Suk Yeol. RNT/SA