Home NATIONWIDE Mga Pinoy tuloy lang sa pangingisda sa WPS sa kabila ng China...

Mga Pinoy tuloy lang sa pangingisda sa WPS sa kabila ng China fish ban – BFAR

MANILA, Philippines – Nanindigan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ang mga mangingisdang Pilipino ay magpapatuloy sa pangingisda sa West Philippine Sea (WPS) sa kabila ng pagpataw ng China ng unilateral fishing ban sa lugar.

Sa isang panayam, iginiit ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera ang paninindigan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na iginiit na ang Pilipinas lamang ang may karapatang magpatupad ng mga patakaran sa karagatang sakop ng bansa.

“Walang dapat pumigil sa ating mga mangingisda na maglayag sa West Philippine Sea. Hindi tayo patitinag sa sinasabi nilang fishing ban, kasi unang una, walang legal na basehan,” ani Briguera.

Aniya, kikilalanin lamang ng Pilipinas ang sarili nitong fish ban season sa katubigan nito, na ipinatutupad tuwing Nobyembre 1 hanggang Enero 31, at tiniyak na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang mga programa, presensya, at tulong nito sa pagsuporta sa mga mangingisda sa WPS.

“Napakahalaga po ng West Philippine Sea kung kaya ganun na lang ang pagsusumikap natin na likas kayang malinang ito ng Pilipinas at hindi ang mga banyaga na walang karapatan dito sa nga katubigan ito,” aniya pa.

Sa ngayon, 385,000 Filipino fisher ang nakikinabang sa WPS ayon sa National Municipal Fisherfolk registration.

Ang produksyon ng isda sa WPS lamang ay katumbas ng 11.87 porsyento ng mga marine capture fisheries ng Pilipinas.

Samantala, sinabi ni Briguera na mahigpit na binabantayan ng BFAR ang presyo ng galunggong (round scad) sa gitna ng napaulat na pagtaas ng presyo kasunod ng pananalasa ng Bagyong Aghon.

Tumaas umano ang presyo ng galunggong mula P200 kada kilo hanggang P240, na maaaring maiugnay sa slimming supply dahil sa delayed unloading.

Iniulat ng Department of Agriculture (DA)-Bantay Presyo (price watch) na ang umiiral na hanay ng presyo ng local round scad sa Metro Manila ay nasa PHP160/kg hanggang PHP280/kg noong Miyerkules.

Samantala, tiniyak niya ang isang matatag na supply ng aquaculture sa kabila ng mga epekto ng Aghon.

Sa ngayon, iniulat ng BFAR ang humigit-kumulang PHP1 milyon na halaga ng pinsala sa sektor, partikular sa Bicol Region. Santi Celario