MANILA, Philippines – Sinimulan na ng National Police Commision (NAPOLCOM) ang pagsisiyasat sa kaso ng mga “nawawalang sabungero” sa gitna ng mga pahayag na may mga pulis na sangkot sa kanilang pagkawala.
“Dahil kaliwa’t kanan na yung report na merong involved na pulis na kailangan na naming mag-imbestiga. We instructed our Inspection Monitoring Investigation Service para mag-imbestiga na mga nawawalang sabungero,” ayon kay NAPOLCOM Vice Chair and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan.
Ang pagsisiyasat ng NAPOLCOM ay matapos na sabihin ni alyas “Totoy”, isa sa mga akusado, na 20 pulis ang sangkot sa kidnapping.
Samantala, sinabi ng NAPOLCOM na makikipag-ugnayan sila sa iba pang law enforcement agencies sa kanilang magiging imbestigasyon.
Ipinaliwanag din ni Calinisan na habang ang ibang law-enforcement agencies ay tutuon sa kriminal na aspeto ng kaso, titignan naman ng NAPOLCOM ang pagsasampa ng mga kasong administratibo laban sa mga pulis na maaaring sangkot dito.
“Pero ‘yung aspetong administratibo, wala pang tumitingin doon eh. Eh, ‘yung administratibo, yung sa Tagalog, fit ka ba maging pulis? So yun ang trabaho ng Napolcom, kami ang pulis ng pulis,” paliwanag ni Calinisan.
Sinabi rin ng Vice Chair ng NAPOLCOM na kapag napatunayang nagkasala ang mga sangkot na pulis, maaaring tuluyang ma-dismiss ang mga ito sa serbisyo.
“Kung talagang may pulis na involved, assuming meron, ‘di tayo magdadalawang isip to impose the highest penalty of dismissal sa mga taong eto,” aniya. RNT/MND