Home NATIONWIDE Chinese national na may fake identity arestado sa CamNorte

Chinese national na may fake identity arestado sa CamNorte

MANILA, Philippines – Inaresto ang isang Chinese national sa Camarines Norte sa umano’y pamemeke ng pagkakakilanlan nito, sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Sa pahayag nitong Huwebes, Hunyo 26, kinilala ng PAOCC ang dayuhan na si Zhishi Huo Wu.

Inaresto siya ng mga awtoridad sa kanyang department store sa Vinzons Avenue sa Daet, Camarines Norte noong Miyerkules sa bisa ng mission order ng Bureau of Immigration.

Ayon sa ahensya, si Wu ay pumasok sa Pilipinas bilang turista noong 2007 at nakakuha ng working visa noong 2010 at special resident retiree visa (SRRV) noong 2013.

Anang PAOCC, nagbukas si Wu ng dalawang department store sa Daet.

“To avoid legal restrictions tied to his visa status, he registered his businesses under two different names: Analyn Raro Overa and Alex Dela Cruz,” paliwanag ng PAOCC.

“Further investigations by authorities revealed that in 2017, Zhishi Huo Wu fraudulently registered himself with the Philippine Statistics Authority as a Filipino citizen under the alias Edison Verano Go,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng pagkakakilanlang ito, nakakuha si Wu ng mga clearance at identification cards mula sa mga ahensya ng pamahalaan kabilang ang Bureau of Internal Revenue, Philippine Health Insurance Corporation, Philippine National Police, at Land Transportation Office.

“Particularly alarming is the revelation that Zhishi Huo Wu utilized these forged documents to obtain a license to own and possess firearms, which is valid until November 3, 2034,” pagpapatuloy pa ng ahensya.

Nakuha kay Wu ang isang pistola kasabay ng pag-aresto rito.

Dinala ang dayuhan sa PAOCC custodial facility sa Pasay City para sa booking at documentation.

Hindi tinukoy ng ahensya kung ano ang mga kasong ihahain laban sa suspek. RNT/JGC