MANILA, Philippines – Nakaligtas sa pambobomba ang mga pulis na reresponde sana sa insidente ng pagsabog sa Rajah Buayan, Maguindanao del Sur nitong Miyerkules ng umaga, Abril 1.
Ayon kay Capt. Steffi Salanguit, na nagsasalita para sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), walang nasaktang pulis na sakay ng patrol car matapos sumabog ang bomba sa gilid ng kalsada.
Ang mga sakay na pulis ay miyembro ng Rajah Buayan municipal police station.
Ani Salanguit, nakatanggap ng tawag ang Rajah Buayan police tungkol sa pagsabog sa bahay ng kaanak ng alkalde.
Habang bumibiyahe ang patrol car sa national highway sa Barangay Sapakan, Rajah Buayan, ay pinasabog naman ang isang improvised bomb na pinaniniwalaang kinontrol gamit ang isang cellphone, na nakapwesto sa isang poste sa gilid ng kalsada bandang alas-8 ng umaga.
“Fortunately, nobody among the police officers was injured,” ani Salanguit.
Tumulong naman ang mga sundalo mula sa 34th Infantry Battalion at tauhan ng Provincial Explosive and Canine Unit para sa post-blast investigation.
Kinondena ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, PRO-BAR regional director, ang pag-atake at hinimok ang mga residente na magbigay ng impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga nasa likod nito.
Ang pag-atake ay kasunod ng mas mataas na police at Army checkpoints dahil sa serye ng pananambang sa Maguindanao del Sur, kung saan ang pinakamatindi ay ang limang pulis na nasawi sa ambush noong Marso 28 sa Shariff Aguak. RNT/JGC