HUMINGI ng saklolo sa mga mamamahayag at sa pamahalaan ang mga residente ng dalawang barangay sa Buenavista, Quezon at na tulungan sila upang hindi tuluyang mawasak ang kanilang kabuhayan at kapaligiran partikular na ang kanilang baybaying dagat.
Lumuwas mula sa nasabing probinsiya at nagtungo sa Maynila ang mga residente malapit sa Mangroves sa Brgy. Sabang Piris at Macaca Coral Reef sa Brgy. Mabutag upang ipahayag ang kanilang hinaing at humingi na ng saklolo.
Reklamo ng mga residente, unti-unti umanong sinisira at pinagigiba ng kanilang alkaldeng si Mayor Reynaldo Rosilla Jr. ang mga bakawan at mga coral reef para sa sarili umano nitong interes.
Ayon kina Chairman Fernando Dimayuga ng Brgy. Mabutag, ginigiba ang mga bakawan para may madaanan umano ang speedboat ng alkalde patungo sa sarili nitong beach resort.
Nabatid na nasa higit 50 pamilya ng Barangay Mabutag ang apektado ng ginagawang pag-demolish kung saan ilang mangingisda ay walang ng pinagkakakitaan.
Iginiit naman ni Kagawad Maricar Ortiz Fernando, ng Barangay Sabang Piris, na umaabot sa P300 kada araw ang nawalang kita sa kanila kung saan sa 150 pamilya ay aabot ito sa P45,000 ang kada araw na nawawalang kita ng naturang barangay.
Bukod dito, nanganganib din umano ang buhay lalo na ng mga bata na maaaring malunod anumang oras sa mga naninirahan sa dalawang barangay ng Sabang Perez at Barangay Mabutag na napapaligiran ng katubigan ng Buenavista, Quezon, sa kadahilanang pinapuputol umano ang mga bakawan at pinaback-hoe ang gitnang bahagi ng mga lupa doon mula sa katubigan patungo sa kanyang resort upang maka-diretso ang kanyang speed boat na mula sa dagat hanggang tumagos sa ilog.
Sumbong pa nila, nasa 100 pamilya na nakatira sa paligid nito na may isang metro lamang ang distansya mula sa kani-kanilang mga bahay patungo sa katubigan, isang malakas na bagyo lang ay guguho ang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga bahay dahil wala na ang mga bakawan na nagpapalakas dito pati na din ang lupa na pina back hoe ay nagbawas din ng proteksyon mula sa pag-angat ng tubig sa karagatan patungo sa kanilang kabahayan.
Napag-alaman pa na ang barangay captain na umangal sa mga maling ginawa sa kanilang lugar ay agaran umanong pinasuspinde ng kanilang Mayor.
Una na silang naghain ng reklamo laban sa alkalde sa Ombudsman at sa lokal na opisina na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) pero wala pa rin nangyayari habang nananawagan sila kay Quezon Province Gov. Angelina Tan na tututukan at solusyunan ang problema. RNT