MANILA, Philippines- Nagsimula nang mamahagi ng tulong sa clean-up operation at mga apektadong manggagawa sa Central Luzon ang Department of Labor and Employment (DOLE) kasunod ng oil spill incident kaugnay sa lumubog na motor tanker na MT Terranova.
Noong Agosto 2, sinimulan ng DOLE Region III ang profiling ng apektadong mangingisda ar residente na bibigyan ng emergency employment sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program para sa pagset-up at paglalagay ng organic oil spill booms.
Ipinakita sa status report mula sa DOLE region III na ang P45 milyong initial supplemental fund ay inilaan upang masaklaw ang mga apektadong pamilya na bibigyan ng emergency employment sa loob ng 10 o 20 araw sa tatlong distrito sa Bataan.
Sa Bataan, may 1,357 TUPAD workers ang mangongolekta ng coconut husks at gagawa ng oil spill booms sa ilalim ng superbisyon ng Municipal Environment and Natural Resources Offices (MENROs) ng Limay, Balanga City, Orion at Pillar. Ang nasabing mga benipisyaryo ng TUPAD ay tumulong din sa clean-up operations sa bagyong Carina.
Kabuuang 1,350 TUPAD workers naman ang nakibahagi sa clean-up at rehabilitation sa mga binahang lugar sa Bulacan at ang pagbuo ng organic booms sa pamamagitan ng pagkolekta ng coconut husks, buhok, at empty plastic bottles na may takip.
Nagpapatuloy ang paglista at profiling ng mga apektadong indibidwal sa 18 barangay na apektado ng oil spill. Nagsagawa rin ng konsultasyon ang local government units sa baybayin sa bayan ng Hagonoy, Paombong, Malolos, Bulakan at Obando.
Nakipagtulongan naman ang DOLE sa Department of Environment and Natural Resources sa Region III para sa P800,000-allotment para sa 20-day work salaries ng 50 TUPAD beneficiaries sa Lubao, Pampanga at 30 sa San Jose, Tarlac.
Samantala, nakatakdang aprubahan ng DOLE Central Office ang supplemental fund allocation na P237,802,054.74 para sa mga lugar na lubhang naapektuhan sa Bataan, Bulacan at Pampanga. Jocelyn Tabangcura-Domenden