MANILA, Philippines- Inihayag ni Vice President Sara Duterte na ginagamit niya ang kanyang posisyon at platform para maging “boses” upang ipakita sa mga opisyal ng gobyerno kung paano mamuno.
Tugon ito ni VP Sara sa sinabi ni Senate President Francis Escudero na malaki ang kanyang maitutulong sa paglutas ng mga suliranin ng bansa, sa halip na magturuan kung sino ang may pagkukulang at dapat sisihin.
Dapat umanong gamitin ng pangalawang pangulo ang posisyon at resources nito upang maresolbahan ang mga nakikitang mali sa bansa.
Ayon pa kay Escudero, may karapatan ang bise presidente na punahin ang mga problema na nakikita nito, subalit ang pinagkaiba lamang ay may mga plataporma rin ito na gumawa sana ng pagbabago.
“We, Filipinos, deserve better. So, I am using my position, resources and platform, to be the voice for my fellow Filipinos who are left unheard,” ayon naman kay VP sara.
Tinukoy ni VP Sara ang kanyang naging karanasan sa tubig-baha sa bahay ng kanyang mga magulang sa Davao City.
“Nasira ang mga kagamitan namin at puro burak ang kapaligiran — hindi siya nakakatuwa. Naranasan ko ring maglakad sa tubig baha na hanggang dibdib at tuluyang lumangoy na lamang — hindi siya masaya. Naranasan ko maging mayor at may namatay na 30 katao nang dahil sa isang flash flood — hanggang ngayon masakit pa rin sa damdamin ko ito,” ang pagbabahagi ni VP Sara.
“So l am using my position, resources and platform to be the voice to show our government officials how to command,” diing pahayag ni VP Sara.
Sa ulat, tila pinasaringan din ni Escudero si VP Sara sa pagbatikos nito sa flood control projects, lalo pa at anim na taon umanong namuno sa bansa ang ama nito na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon naman kay VP Sara, “I am using my position, resources and platform just as I did in the past — noong ako ay mayor pa lamang, sinabihan ko ang NEDA XI na kailangan ng pag-aaral para sa flood control at drainage. Ito ay para may sinusundan ang City Engineer’s Office (CEO) at DPWH na plano at hindi na sila mag-imbento ng proyekto.”
Winika pa nito na ang “flood planning” ay dapat sana’y nilikha sa ilalim ng administrasyon ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Nasimulan noong Setyembre 2016 at na-publish noong Hulyo 2023 ang Master Plan and Feasibility Study for Flood Control. Baka naman gusto nang pondohan ang mga infrastructure projects na naaayon sa masterplan? O baka naman may alinlangan pa hinggil dito dahil Duterte ang mayor at mas mamarapatin nilang gibain na lang?” aniya pa rin.
Binanggit naman ni VP Sara ang Japan International Cooperation Agency (JICA) na tumulong sa Davao City.
Binatikos ni VP Sara ang mga lider na nagaganyak ng pera at illegal substances at iyong mga humahawak ng “champagne glasses.”
“Leadership is faithfulness to the oath of office. Leadership is faithful service to the people. Leaders should only say one thing — that ‘it is done,'” ayon kay VP Sara.
“Leaders should not be motivated by cash, cocaine or champagne. And, most certainly, leaders should not be made to hold champagne glasses. Again — We, Filipinos, deserve better. We, Filipinos, should be the best,” aniya pa rin.
Matatandaang, isang video sa Vin d’Honneur noong Hunyo ang naging viral dahil makikita sa naturang video si Unang Ginang Liza Marcos na inagaw ang champagne glass ni Escudero. Kris Jose