MANILA, Philippines- Nagsilbi ang National Bureau of Investigation (NBI)-Region 11 nitong Biyernes ng panibagong warrant of arrest laban sa televangelist na si Apollo Quiboloy at iba pang co-accused.
Batay sa ulat, isinilbi ng regional NBI ang arrest warrant sa Kingdom of Jesus Christ, na itinatag ni Quiboloy sa Davao City.
Inihayag ni NBI-Regional 11 director Archie Albao na naganap ang pagsisilbi ng tatlong arrest warrants ng isang oras, subalit mapayapa umano ang operasyon.
Base pa sa ulat, sinilip ng mga awtoridad ang underground ng bahagi ng KOJC, na ginagawa pa, subalit hindi nila nakita si Quiboloy o sinuman sa iba pang co-accused.
Samantala, hiniling ni Israel Torreon, abogado ni Quiboloy at ng KOJC, na huwag nang magdala ng armas o mga tauhan sa pagsisilbi ng warrants tulad ng ginawa ng NBI.
Dagdag ni Torreon, papayagan nila ang mga awtoridad na makapasok sa simbahan kung may wastong koordinasyon. RNT/SA