MANILA, Philippines – Lubhang napinsala ng ashfall mula sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon ang maraming mga sakahan sa Albay.
Ayon sa report, binalot ng makapal na abo ang mga taniman ng gulay sa Barangay Sua, Camalig at napinsala ang mga tanim na talong, okra, sili at iba pa.
Malapit na sana umanong anihin ang mga ito ngunit hindi na mapakikinabangan dahil nalanta na sa abo.
Sa nasabing barangay, 200 magsasaka na kaagad ang apektado.
Samantala, sa Barangay Anoling ng kaparehong bayan ay naperwisyo rin ang mga magsasaka dahil sa ashfall.
Bukod sa pinsala sa mga panahim, nagbabanta rin sa kalusugan ang nangyaring ashfall partikular sa bayan ng Guinobatan.
Nagpadala na ng tulong ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pagbibigay ng face masks, atensyong medikal at suporta sa mga evacuee.
Nasa 200,000 residente sa 130 barangay ang apektado ng pagputok ng Bulkang Mayon.
Sa nasabing bilang, 5,459 indibidwal ang tumutuloy sa mga evacuation center.
Nakataas pa rin ang Alert Level 3 na babala sa Bulkan. RNT/JGC