Home METRO Mga sementeryo dinagsa ng mga bumibisita sa mga namayapang mahal sa buhay

Mga sementeryo dinagsa ng mga bumibisita sa mga namayapang mahal sa buhay

Larawan kuha ni Crismon Heramis

MANILA, Philippines- Sa kabila ng ambon, libo-libong Pilipino ang nagsimulang dumating sa mga sementeryo nitong Miyerkules ng umaga upang alalahanin ang mga namayapa na ngayong All Saints’ Day.

Sa Manila North at Manila South cemeteries pa lamang, mayroon nang mga bisita pagsapit pa lamang ng alas-4 ng umaga, isang oras bago magbukas ang mga gate sa sementeryo.

Mayroon ding piniling matulog sa labas ng Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Libo-libong pasahero ang naitalang bumibiyahe pa rin ilang oras bago sumapit ang Nov. 1.

Inihayag ng pamunuan ng sementeryo na handa na sila sa pagdagsa ng mga tao ngayong undas. Inaasahang aabot ang bilang sa 80,000 sa Manila North Cemetery at 300,000 sa Manila South Cemetery.

Pinaaalalahanan ang mga pupunta sa mga sementeryo na kasado ang visiting hours hanggang alas-5 ng hapon subalit maaari silang manatili hanggang alas-7 ng gabi kapag nakapasok sila bago magsarado.

Inabisuhan din ang publiko na huwag magdala ng prohibited items tulad ng alak, flammable materials, baril o matutulis na bagay, sound systems, at baraha. Hindi rin makapapasok ang mga nagtitinda, mga alagang hayop at mga sasakyan.

Pinayuhan din ang publiko na magdala ng payong sa inaasahang pag-ulan sa hapon. RNT/SA