MANILA, Philippines – Dismayado ang ilang senador sa tapyas sa pondo sa ilang items ng pinal na bersyon ng General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng P6.352-trillion national budget para sa 2025.
Aminado si Senador Sherwin Gatchalian na dismayado siya sa inaprubahang bicameral conference committee report sa 2025 GAB na hindi inadopt ang budgetary support na isinulong ng Senado para sa state universities at colleges.
Ayon kay Gatchalian, ipinakilala ang P3 bilyon ng Senado para pondohan ang libreng edukasyon ngunit inalis sa bicam.
“Accepted yan here in the Senate…Pagdating sa bicam tinanggal. So that’s one of the things sa akin na medyo disappointing because magkakaroon tayo ng shortfall sa free higher education,” ani Gatchalian.
Sinabi rin ng senador na binawasan ang Senate-proposed funding para sa Department of Education ng P12 billion at Commission on Higher Education ng P30 billion.
Sa kabila nito, tanggap naman ni Gatchalian ang pagtataas sa badyet ng Department of Energy at Department of Information and Communications Technology.
Nalungkot din si Senador Juan Miguel Zubiri sa pinal na bersyon ng budget bill dahil hindi kinuha ang panukala niyang itaas ang badyet ng Department of Science and Technology (DOST) sa bicam.
“I’m just sad, ako nalulungkot ako dahil sa DOST budget hindi nabigyan ng additional. Ipinaglaban namin sa Senado na dagdagan sila ng almost P700-P800 million, paglabas ng bicam report, bumalik sa NEP ang budget ng DOST kaya binanggit ko kanina na I’d like to put on record na revert sa NEP budget ang mga departments,” ani Zubiri sa isang ambush interview.
Ang dagdag sana sa badyet ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology at Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ay para sana sa upgrade ng monitoring systems nito.
“Kawawa na ang PHIVOLCS, di ba? Sumabog ang Bulkan Kanlaon noong isang araw. Kulang daw sila ng monitoring equipment. Naidagdag sana sa budget ngayon, eh wala. Kawawa rin ang PAGASA,” sinabi ni Zubiri.
“Sana man lang nasabihan kami na ganun nga ang mangyayari, sana nahanapan ng paraan, we could have lobbied for the increase of their budget. I’m just disappointed as the chairman of the subcommittee handling the budget of the DOST. Nahiya ako sa DOST. Talaga nahiya ako,” dagdag ng senador.
Ganito rin ang sentimyento nina Senador Risa Hontiveros, JV Ejercito, at Bong Go sa zero subsidy para sa Philippine Health Insurance Corporation sa proposed 2025 budget.
Ani Hontiveros, ang desisyon para sa zero subsidy ng PhilHealth ay “unfair, illegal, and potentially unconstitutional.”
“Denying PhilHealth support to pay the premium contribution of the most vulnerable is to deny Filipinos our right to health,” dagdag ng senadora.
Iginiit ni Hontiveros na obligasyon ng pamahalaan na magbayad ng premiums sa indirect contributors katulad ng senior citizens, indigents, at persons with disabilities.
“Paano na lang ang mga kababayang hindi makakapagbayad ng kanilang premium contribution? Malaking dagok ito sa mithiin nating magkaroon ng universal healthcare sa bansa,” sinabi pa niya.
Binibigyang mandato rin umano ng PhilHealth charter, ang Sin Tax Law at UHC Act na ibigay ang bahagi ng buwis nito sa state health insurer.
“Kahit pa may ‘excess o reserve funds’ kuno ang PhilHealth, may mga batas na nagsasabing kailangan ito pondohan. It is ironic that PhilHealth gets zero subsidy on the eve of International Universal Health Coverage Day, especially when the UN makes it clear that health is the government’s responsibility,” aniya.
“Ang worry ko lang doon, concern kasi by law yan eh. Sin Taxes Law earmarks percentage for the indirect contributors para sa PhilHealth… Both UHC and Sin Taxes Law…’Yung legality ang baka maquestion kasi nga nasa batas yan na its already earmarked,” ayon din kay Ejercito, may-akda ng UHC law.
“Worried ako pero of course, malungkot. Lahat naman na cut eh so it’s never enough always pero sana yung mga main projects ng DOH kailangan sa DOH, DOTR importante sa atin yan,” dagdag pa niya. RNT/JGC